MANILA, Philippines – Naipakita ng Pugad Lawin ang bangis na taglay nito kapag nirerendahan ni Jessie Guce nang dominahin ang special class division race sa Metro Turf sa Malvar, Batangas noong Linggo.
Si Guce ay nagbabalik mula sa ilang buwang pamamahinga matapos mahulog sa kabayo.
Dahil dito ay hindi siya ang dumiskarte sa Pugad Lawin sa idinaos na Presidential Gold Cup kung saan tumapos lamang sa pang-apat na puwesto ang nagdedepensang kampeon sa karerang dinomina ng Hagdang Bato.
Sa pagbabalik ng tambalan ay nakita ang tikas ng anim na taong kabayo na anak ng Refuse To Bend sa Unstoppable Lady nang pangunahan ang 1,400-metro karera mula simula hanggang natapos ito.
May 1:23.6 sa kuwartos na 13, 22’, 22’, 25’, ang tiyempo ng nanalong kabayo at ang pinaglabanan na lamang sa karera ay ang pangalawang puwesto na inangkin ng Sky Dragon sa pagdiskarte ni John Alvin Guce.
Patok ang Pugad Lawin sa karera kaya nasa P5.50 ang ibinigay sa win habang ang 3-1 forecast ay mayroong P14.50 dibidendo.
Sinandalan naman ng The Flyer ang lakas sa pagremate para makapanggulat sa special race na pinaglabanan sa 1,200m karera.
Tila may pakpak na umarangkada ang siyam na taong mare horse na naunang nalagay sa malayong pang-apat na puwesto para silatin ang nangungunang Mike’s Treasure.
Unang nagdala ng bandera sa karerang sinalihan ng anim na kabayo ang Be Open bago sumunod ang Exciting at Mike’s Treasure.
Ginamit pa ni RH Silva ang latigo at mainit na mainit na ang Mike’s Treasure ngunit nagulat na lamang sila nang biglang dumaan ang The Flyer tungo sa halos isang dipang panalo.
Umabot pa sa P47.00 ang ibinigay sa win ng The Flyer habang ang dehado ring 2-6 forecast ay mayroong P100.50 na ipinamahagi. (AT)