MANILA, Philippines – Kung nilabanan ni Manny Pacquiao si Floyd Mayweather at hindi si Chris Algieri sa Macau noong Nobyembre ay tatalunin ng Filipino boxing superstar ang American fighter.
Ito ang nagkakaisang opinyon nina boxing trainer Freddie Roach at conditioning coach Justin Fortune.
Sinabi pa ni Roach na maaaring napabagsak pa ni Pacquiao si Mayweather.
Ibinase ni Roach ang kanyang pahayag hindi lamang sa anim na beses na pagpapatumba ni Pacquiao kay Algieri para sa kanyang unanimous decision win kundi sa mahinang ipinakita ni Mayweather sa kanyang huling dalawang laban kontra kay Marcos Maidana.
Malinaw na hindi na si Mayweather, ipagdiriwang ang kanyang ika-38 kaarawan sa Pebrero, ang dating kinatatakutang boksingero.
Naipanalo ni Mayweather ang pito sa kanyang huling walong laban via decision maliban sa kanyang sucker-punch knockout kay Victor Ortiz noong 2011.
Hindi pa siya nakakaiskor ng isang legitimate stoppage sapul nang talunin si Ricky Hatton noong 2007.
Ang Ortiz knockout ay may kasamang pag-aalinlangan dahil ito ay nanggaling sa isang break ng referee.
Si Ortiz ay binalaan ni referee Joe Cortez ukol sa head-butt at aktong hihingi ng paumanhin kay Mayweather.
Nagtapikan sila ng gloves at bago sumenyas si Cortez para ituloy ang laban ay nagpakawala na si Mayweather ng isang left hook para tapusin si Ortiz.
Ang dalawa naman sa pitong distance victories ni Mayweather ay sa pamamagitan ng majority decision.
Matapos ang laban niya kay Hatton ay hindi na naging aktibo si Mayweather, naging pro boxer noong 1996.
Hindi siya lumaban noong 2008 at tig-isang beses lamang nakita sa aksyon noong 2009, 2010, 2011 at 2012.