MANILA, Philippines – Kinuha ng National University Lady Bulldogs ang serbisyo ng multi-titled coach na si Roger Gorayeb para isalba ang ‘di magandang panimula sa 77th UAAP women’s volleyball.
Papalitan ni Gorayeb si Ariel dela Cruz na nagbigay lamang ng dalawang panalo matapos ang limang laro kahit solido ang koponan dahil sa paglalaro pa rin ng mga beteranang sina 6’4” Jaja Santiago, Myla Pablo at Rizza Mandapat.
“Yes he will be our new coach and will coach the team in our Wednesday game against UST,” wika ni NU athletic director Junel Baculi.
Ito ang ikalawang pagkakataon na hahawak si Gorayeb ng koponan sa UAAP matapos silbihan ang Ateneo Lady Eagles sa loob ng limang taon na nagwakas noong 2013.
Bago ang bagong puwesto, si Go-rayeb ay kinuha rin bilang coach ng national under-23 women’s team na nasa ilalim ng pamamahala ng POC.
Siya rin ang mentor ngayon ng San Sebastian Lady Stags sa NCAA na maglalaro sa semifinals na magsisimula rin bukas sa The Arena sa San Juan City.
Nasa ikalimang puwesto ngayon ang NU kasunod ng walang mga talong koponan ng La Salle (6-0) at Ateneo (5-0) kasunod ang Adamdon (3-2) at FEU (3-3). (AT)