MANILA, Philippines – Kung sa tingin ni Bob Arum ay kailangang manatili ni Manny Pacquiao sa 147 pounds, taliwas ito sa opinyon ng Filipino boxer at ng kanyang Canadian adviser na si Mike Koncz.
Ayon sa isang report, sinabi ni Arum na kung hindi agad mangyayari ang Floyd Mayweather Jr. fight, dapat manatili si Pacquiao sa 147 pounds.
Ngunit sinabi ni Koncz na matagal na nilang napag-usapan ni Pacquiao ang pagbaba sa 140 dahil masyado na siyang matagal na sa welterweight class.
“Manny and I have talked about it a few months now,” sabi ni Koncz. “People keep criticizing that, ‘Oh, Manny has gotten old and has lost his power,’ but what people don’t really understand is that he’s fighting at a weight much higher than his natural body weight.”
Ilang beses nang sinabi ni Pacquiao na mas komportable siya sa 140 at sinabi pa niyang kaya pa niyang lumaban sa 135.
“Kaya ko pa. Maliit naman talaga ako,” aniya.
Sinabi ni Koncz na sa 147, nasa teritoryo siya ng mga higante.
“These guys are bigger. These guys are stronger. They are used to the power punches. Anytime we fought in the welterweight division we’re gi-ving away 15 to 30 pounds,” ani Koncz.
Nakuha ni Pacquiao ang 140lbs. title nang pabagsakin niya si Ricky Hatton noong May 2007. Makalipas ang anim na buwan ay lumaban siya bilang welterweight at tinalo si Miguel Cotto sa 12 round.