BOSTON – Hindi pa nakikita ng mga Boston fans si Rajon Rondo na suot ang uniporme ng kalaban.
At hindi pa rin nila natunghayan ang husay na ipinamalas niya.
Umiskor ang dating Celtics point guard ng career-high na 15 first-quarter points para tumapos na may season-best 29 markers sa kanyang pagbabalik sa Boston at igiya ang Dallas sa 119-101 panalo.
Nagsalpak din si Rondo ng career-high na limang 3-pointers at naglista ng 6 rebounds at 5 assists.
“Obviously, it was a special day,” wika ng four-time all-star matapos ang kanyang unang laro sa TD Garden makaraan siyang ibigay sa Mavericks sa isang trade noong Disyembre. “I’m emotionally tired. I’m physically tired, and I’m drained.”
Umiskor naman si Monta Ellis ng 22 points, habang may 17 si Dirk Nowitzki at humakot si Tyson Chandler ng 16 rebounds para sa ikaapat na sunod na panalo ng Dallas.
Ipinoste ng Mavericks ang isang 14-point lead bago ito palakihin sa 28-point advantage matapos ang third period.
Naputol ito ng Celtics sa 10 points sa huling anim na minuto sa fourth quarter bago umiskor si Rondo ng isang jumper kasunod ang isang steal at assist para muling ilayo ang Mavericks sa 105-90 sa huling 4:45 minuto.
Nagposte naman si Avery Bradley ng 22 points para sa Boston kasunod ang 17 ni Tyler Zeller na kumolekta ng 10 rebounds.
Sa Oklahoma City, kumamada si Kevin Durant ng 34 points para igiya Thunder sa 109-102 panalo laban sa Washington Wizards.
Nagtala si Durant ng 12-for-18 fieldgoal shooting kasama rito ang 4-for-7 sa 3-point range.
Sa Charlotte, umiskor si Kevin Love ng 27 points para ibigay sa Cleveland Cavaliers ang 91-87 panalo laban sa Hornets.