Hagdang Bato humakot ng higit sa P23M mula sa 24 panalo

MANILA, Philippines - Umakyat na sa mahigit na P23 milyon ang kinita ng Hagdang Bato sa panga­ngarera.

May posibilidad din na lumapit na ang premyadong kabayo sa P30 milyon marka sa pagtatapos ng taon dahil ang talaan na makikita sa Philippine Racing Commission ay mula Enero 2008 hanggang Oktubre 31, 2014.

Umabot na sa 24 ang panalo ng anim na taon na  Hagdang Bato bukod sa dalawang segundo at isang kuwarto puwestong pagtatapos para makapaghatid na ng P23,769,613.67 premyo sa horse owner at Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos.

Hindi pa rito binibilang ang P4 mil­yon na nakuha ng back-to-back Horse of the Year awardee sa prestihiyosong 2014 Presidential Gold Cup at iba pang karerang sinalihan  noong Nobyembre.

Sa talaan ay anim na kabayo pa lamang ng kumita na ng mahigit na P10 milyon sa industriya.

Ang pumapangalawa sa Hagdang Bato ay ang Yes Pogi na kumabig ng P15,716,080.97 gantimpala matapos ang 19 panalo 21 segundo, 10 tersero at pitong kuwarto puwestong pagtatapos.

Patuloy pa rin ang pagtakbo ng Yes Pogi ngunit hindi na ito kasing tikas dahil sa nagka-edad na.

Nasa ikatlong puwesto ang Magna Carta na kumabig ng P13,033,700.83 mula sa 15 panalo, pitong segundo at isang tersero pagtatapos.

Ang Don Enrico ang nasa ikaapat sa talaan bago sinundan ng Heaven Sent at Carriedo.

My 27 panalo, dalawang segundo, apat na terserso at isang kuwarto puwesto, ang Don Enrico ay naghatid ng P12,403,488.37 gantimpala sa connections habang ang Heaven Sent ay mayroong P10,354,810.73 napanalunan sa 17 panalo, 11 segundo at tig-limang tersero at kuwarto puwestong pagtatapos.

Ang Carriedo ay kumabig ng P10,073,797.07 mula sa 19 panalo, anim na segundo at tig-limang tersero at kuwarto puwestong pagtatapos.

Tiyak naman ang pagpasok sa P10 milyon  marka ng Pugad Lawin dahil umani na ito ng P9,665,867.42 sa 16 panalo dalawang segundo, isang tersero at limang kuwarto puwesto hanggang katapusan ng Oktubre.

Ang iba pang tiningalang kabayo na nagretiro na at kinapos na pumasok sa grupong ito ay ang Go Army, Ibarra at ang mahusay na imported horse Juggling Act.

Mahigit isang daan libong piso kapos ang Go Army nang nagkamal lamang ng P9,896,277.31 premyo sa 29 pana­lo, walong segundo, pitong tersero at dalawang kuwarto puwesto habang ang Ibarra na pag-aari rin ni Abalos ay may P8,772,924.92 (19-3-2-2-) at ang Juggling Act ay nagbitbit ng P8,406,549.06 (28-8-3-3). (AT)

 

Show comments