MANILA, Philippines - Sa taong 2014 ay natupad ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao ang isa sa kanyang mga pangarap at ang muling pagsemento sa kanyang pangalan bilang best ‘pound-for-pound boxer’ sa buong mundo.
Matapos resbakan si Timothy Bradley, Jr., tumalo sa kanya noong Hunyo ng 2012, sa kanilang rematch noong Abril para muling maisuot ang World Boxing Organization (WBO) welterweight belt, ay tinutukan naman ni Pacquiao ang isa pang sport na malapit sa kanyang puso -- ito ay ang basketball.
Sa taas na 5-foot-6 at edad na 35-anyos ay hinirang ng Team Kia si Pacquiao bilang No. 11 overall pick sa 2014 PBA Rookie Draft noong Agosto.
Ginawa ni Pacquiao ang PBA debut sa 80-66 panalo ng Kia laban sa expansion team na Blackwater sa pagbubukas ng 40th season ng PBA Noong Oktubre 19 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
At matapos ang naturang tagumpay ay 10 magkakasunod na kamalasan ang nalasap ng Sorento para sa maaga nilang pagkakasibak kasama ang Elite.
Isinabay ni Pacquiao sa kanyang trabaho bilang playing coach ng Kia ang paghahanda niya kay American challenger Chris Algeiri.
Anim na beses pinabagsak ni Pacquiao ang 5’10 na si Algieri sa kabuuan ng 12 rounds patungo sa kanyang unanimous decision victory para mapanatiling suot ang World Boxing Organization welterweight crown noong Nobyembre 23 sa Macau, China.
Matapos ang kanyang panalo kay Algieri ay tahasang hinamon ni Pacquiao si American world five-division titlist Floyd Mayweather, Jr.
Halos dalawang linggong inasar ni Mayweather si Pacquiao sa social media matapos maglagay ng Instagram post kung saan napabagsak ni Juan Manuel Marquez si ‘Pacman’ na sinabayan ng kanyang ‘Another One Bites the Dust’ ng bandang Queen.
Sinabi rin ni Mayweather na kaya siya gustung-gustong labanan ni Pacquiao ay dahil sa bumabagsak nitong popularidad at kakapusan sa pera.
Sa isang panayam ng Showtime sa Dallas ay tinanggap ni Mayweather ang nasabing hamon sa kanya ni Pacquiao.
Itinakda niya sa Mayo 2 na kilala bilang ‘Cinco De Mayo’ na petsang ipinagdiriwang ng mga Mexicans.
Sinabi nina Bob Arum ng Top Rank Promotions at Oscar De La Hoya ng Golden Boy Promotions na malabo itong mangyari sa naturang petsa dahil walang dugong Mexicano sina Pacquiao at Mayweather.
Idinagdag ni De La Hoya, pinagretiro ni Pacquiao noong 2008 matapos umiskor ng eight-round stopppage, na masyadong komplikado ang pagpaplantsa ng mega showdown nina Pacquiao at Mayweather.
Kaya naman hanggang sa ngayon ay hindi pa rin ito matuluy-tuloy.
“I’ve heard it for about five years. It’s very complicated,” wika ni De La Hoya.
Ibinunyag ni Arum na nakikipag-usap na siya kay CBS CEO (Chief Executive Officer) Les Moonves para sa laban nina Pacquiao at Mayweather sa susunod na taon.
Ang 35-anyos na si Pacquiao (57-5-2, 38 KOs) ay nasa bakuran ng HBO, habang ang 37-anyos na si Mayweather (47-0-0, 26 KOs) ay nasa Showtime ng CBS.
Sinabi ni Pacquiao na maniniwala lamang siya sa pahayag ng 37-anyos na si Mayweather kung makikita niya ang pirma nito sa kanilang fight contract.
May iba namang opsyon na nakahanda si Arum kung hindi na naman maitakda ang Pacquiao-Mayweather fight ngayong taon.
Maaaring itapat ng 83-anyos na si Arum kay Pacquiao ang sinuman kina WBO light welterweight king Terrence Crawford (25-0-0, 17 KOs), WBC champion Danny Garcia (29-0-0, 17 KOs) at WBA title holder Jessie Vargas (26-0-0, 9 KOs).