MANILA, Philippines - Isama na si world heavyweight legend Lennox Lewis sa mga gustong makita ang super fight nina Manny Pacquiao at Floyd Myweather, Jr. ngayong 2015.
Sinabi ni Lewis na dapat nang maplantsa ang naturang mega bout para mapagbigyan ang mga boxing fans sa buong mundo.
“There’s a few fights I want to see in 2015 but Mayweather-Pacquiao is still at top of my list,” sabi ni Lewis. “Stop the madness and make it happen.”
Naging masidhi ang paghahamon ng 36-anyos na si Pacquiao (57-5-2, 38 KOs), sa 37-anyos na si Mayweather (47-0-0, 26 KOs) matapos pabagsakin ng anim na beses si American Chris Algieri para sa kanyang unanimous decision win noong Nobyembre 23 sa Macau, China.
Noong Disyembre 16 ay ginamit ni Pacquiao ang kanyang Twitter para kulitin si Mayweather.
At inulit niya ito bago matapos ang taong 2014.
Ang pagkakaroon ng magkaibang network ang sinasabing isa sa mga dahilan kung bakit hindi maitakda ang Pacquiao-Mayweather showdown.
Ayon kay Lewis, nagawa nila ito nang maglaban sila ni Mike Tyson noong 2002.
“If we could make Lewis-Tyson happen with HBO and Showtime, they can get it together for Mayweather-Pacquiao and make history again,” paghikayat ni Lewis sa dalawang magkaribal na network.
Si Pacquiao ay nasa bakuran ng HBO, habang nasa Showtime naman si Mayweather.
Sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotion, ang promoter ni Pacquiao, na nakikipag-usap na siya kay Les Moonves ng CBS, ang parent network ng Showtime, para maplantsa ang laban ni ‘Pacman’ kay Mayweather.
Kumpiyansa siyang mangyayari ito ngayong taon. (Russell Cadayona)