MANILA, Philippines – Dumanas ng masamang kampanya ang Pilipinas sa Incheon Asian Games pero kuminang naman sa Youth Olympic Games at Asian Beach Games kaya masasabi nating produktibong taon pa rin ang 2014 sa Philippine Sports.
“We should not base our assessment using just one competition. We won almost 500 medals this year and I think this is more than the medals we won in 2013,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia na siya ring tumayong Chief of Mission sa Asian Games na ginawa mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Kaisa ng PSC sa pananaw na ito ang POC dahil kuntento sila sa ipinakita ng pambansang atleta.
“Marami rin naman tayong nabasa na nanalo ang ating mga atleta, ang iba nga ay sa mas malalaking kompetisyon,” pahayag ni POC 1st Vice President Joey Romasanta.
Muntik nang maging bangungot ang kampanya ng 159-atleta na ipinadala sa Incheon ngunit isinalba ito ni Fil-Am BMX rider Daniel Caluag.
Pinatunayan ni Caluag ang pagiging pinakamahusay sa rehiyon sa nasabing sport nang dominahin ang karera mula sa seeding run para tiyaking hindi mabobokya ang Pilipinas sa kompetisyon.
Ang naipakita ng natatanging Asian rider na nakapasok sa 2012 London Olympics ay pambawi sa kawalan ng gintong medalya ng national boxing team at sa disgrasyang inabot ng Gilas Pilipinas sa basketball.
Mula 2002 sa Busan, Korea at sa sumunod na da-lawang edisyon sa Doha, Qatar at Guangzhou, China ay nakapaghatid ng isang ginto ang Pambansang boksingero.
Sa kabilang banda, ang Gilas na naglaro mula sa FIBA World Cup ay nalugmok sa ikapitong puwesto na pinakamasamang pagtatapos ng men’s team sapul nang sumali sa Asian Games basketball.
Sa pangkalahatan, ang Pilipinas ay may isang ginto, tatlong pilak at 11 bronze medals at ang ipinakitang ito ay umani ng batikos mula sa iba’t ibang sektor, kasama ang Malacañang.
“While other do not share our view, we know that our athletes gave their best and they should not be blamed for this. We should be proud of them because they did everything to bring honor to the country,” paliwanag ni Garcia.
Tinuran pa ni Garcia na hindi lahat ay kabiguan ang inabot ng Pilipinas dahil nakakuha ang bansa ng kauna-unahang gintong medalya sa Youth Olympic Games sa Nanjing, China at Asian Beach Games sa Phuket, Thailand.
Ang archer na si Gabriel Moreno ang nanalo ng ginto katambal ang individual girls gold medalist ng China na si Li Jiaman sa mixed team na pinagtatambalan ng dalawang archers mula sa magkaibang bansa.
Nanalo man ng ginto ay hindi pinatugtog ang pambansang awit ng Pilipinas dahil ang kompetisyon ay nasa ilalim ng IOC banner.
Samantala, tatlong ginto ang kinuha ng bansa sa Asian Beach Games na hatid ng mga jujitsu artists na sina Maybelline Masuda (women -50kg) at Annie Ramirez (-60kg) at dating world champion Geylord Coveta sa RS One men wind surfing.
Ang mga taekwondo jins na sina Jean Pierre Sabido, Ernesto Guzman Jr., Glenn Lava, Rani Ann Ortega, Ma. Carla Janice Lagman, Jeordan Dominguez at Jaylord Seridon ay nagkasya sa tatlong ginto sa World Taekwondo Poomsae Championships habang ang mga differently-abled athletes ay naghatid ng limang pilak at limang tsansang medalya sa ParaGames sa Incheon.
Ang huling koponan na nakapaghatid ng kara-ngalan ay ang Philippine Blu Boys na pumangalawa sa Japan sa Asian Men’s Softball Championship sa Singapore para makakuha rin ng tiket sa 2015 World Men’s Softball Championship sa Saskatoon, Canada.
So, if you look at the totality, hindi naman masama ang 2014,” sabi pa ni Romasanta. (AT)