MANILA, Philippines – Nakahabol ng panalo ang Blue Material sa buwan ng Disyembre nang pangunahan ang sinalihang karera noong nakaraang Biyernes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sa class division 1B sa 1,300-metro distansya isinagawa ang karera at napaboran ang kabayong sakay si Kevin Abobo matapos ang dalawang sunod na segundo puwestong pagtatapos sa naunang dalawang takbo.
Tama ang pakiwari ng bayang karerista sa ipakikita ng limang taong colt na anak ng premyadong Strong Material sa Blue Lace Dress dahil mula sa pagbubukas ng aparato ay nanguna na ito at hindi na binitiwan hanggang tumawid sa meta.
Ang Salzburg at Alta’s Choice ang siyang second at third choice at sila ang nagsikap na bigyan ng magandang laban ang outstanding favorite na pinatawan ng pinakamabigat na handicap weight na 55.5 kilos.
Pero hindi kinaya ng dalawang kabayo ang maalpasan ang Blue Material at ang Salzburg na diniskartehan ng class D jockey na si LF De Jesus ang siyang pumangalawa sa anim na naglaban.
Balik-taya ang nangyari sa win (P5.00), habang ang 1-6 forecast ay naghatid ng P14.50 dibidendo.
Magandang alis ang ginamit ng Salawikain para maiwanan ang mga napaborang kabayo tungo sa panalo sa Special Handicap race sa 1,400-metro distansya.
Si EL Blancaflor ang sumakay muli sa apat na taong filly na anak ng Catastrophe sa Ledger Card para kunin ang ikalawang dikit na panalo sa huling buwan sa taong 2014.
Bagama’t galing sa panalo ay third choice lamang ang Salawikain sa Quaker’s Hill ni Pat Dilema at Oh So Discreet ni Abobo pero nagamit ng Salawikain ang magandang lundag para maisantabi ang hamon ng dalawang kabayo.
Pumalo sa P36.00 ang ibinigay sa win, habang ang pagsegundo ng Quaker’s Hill ay naghatid ng P76.50 sa 4-6 forecast.