MANILA, Philippines - Sa panahong nawala na ang dating kamador na sina two-time MVP Bobby Ray Parks, Jr. at Emmanuel Mbe ay saka lumabas ang matatalim na pangil ng National University Bulldogs.
Sinandalan ang laro ng mga datihan na hindi masyadong nabibigyan ng pagkakataon katulad nina Gelo Alolino, Glenn Khobuntin, Kyle Neypes at Rev Diputado at ang galing ng rookie foreign player Alfred Aroga para masungkit ng koponan ni head coach Eric Altamirano ang mailap na titulo sa UAAP.
Limang knockout games ang sinagupa ng Bulldogs upang tapusin ang 60 taong paghihintay para masundan ang kauna-unahang titulo sa UAAP basketball na nangyari noong 1954.
Sila rin ang kauna-unahang fourth seed na nagkampeon sa ligang nagtala ng bagong record sa rami ng nanood kahit ang labanan ay hindi sa pagitan ng magkaribal na Ateneo Blue Eagles at La Salle Archers.
Ang FEU Tamaraws ang siyang nakasukatan ng NU sa Finals at napatunayan na kaya ring pumuno ng venue ang dalawang paaralan nang dalawang beses na gumawa ng record sa rami ng nanood sa best-of-three title series.
Umabot sa 24,896 ang sumaksi sa Game Two na kung saan binawian ng NU ang FEU, na nakauna sa 75-70, gamit ang 62-47.
Nabura muli ang marka sa ‘do-or-die’ Game Three na pinagharian ng Bulldogs, 75-59, sa harap ng 25,118 manonood.
“This team does not give up. They refuse to lose. That’s the character of this team,” wika ni Altamirano na nakatikim din ng titulo sa liga.
Tunay ang tinuran ni Altamirano dahil hindi bumigay ang NU sa naunang tatlong ‘do-or-die’ games kontra sa host UE Red Warriors at multi-titled at No. 1 team na Ateneo Blue Eagles.
Nagtabla ang NU at UE sa ikaapat na puwesto sa 9-5 baraha at kumapit ang suwerte sa una nang naipasok ni Aroga ang dalawang free throws bago sumablay ang 3-point attempt ni Pedrito Gallanza patungo sa 61-59 panalo.
Naroroon pa rin ang katatagan ng Bulldogs laban sa ‘twice-to-beat’ na Ateneo sa Final Four para ilusot ang 78-74 at 65-63 panalo.
Si Aroga ang siyang sinandalan ng NU sa rubbermatch nang butatain niya ang drive ni Kiefer Ravena para umabante sa Finals laban No. 2 seed FEU.
“We lost key players Bobby (Parks) and Mbe, but we found our identity with defense. We should our teamwork with our defense and it’s kind of unique,” wika pa ni Altamirano sa bago niyang Bulldogs. (ATan)