MANILA, Philippines - Dalawang Pinoy cue artists ang pumasok sa Top 10 kung kinita sa 2014 ang pag-uusapan.
Base sa talaan ng AZBilliards.com, si Dennis Orcollo at ang beteranong si Efren “Bata” Reyes ang nagdala sa laban ng bansa sa international pool matapos kunin ang ikatlo at ikaanim na puwesto.
Halos $90,575.00 ang naiuwi ni Orcollo na tinampukan ng pangingibabaw sa Derby City Classic Master of the Table at DCC 9-ball Banks Division na nagkakahalaga ng $20,000 at $10,000.
Sa kabilang banda, si Reyes ay kuminang sa Smoking Aces One Pocket Shootout na nagpasok ng $25,000.00, 2nd Manny Pacquiao Cup Singles na nagkakahalaga ng $13,000.00 at sa Derby City Classic One Pocket Division na may premyong $12,000.00.
Sina Francisco Bustamante at Jeffrey Ignacio ay nalagay sa ika-13 at ika-20 puwesto bitbit ang $46,464.00 at $40,250.00 premyo.
Bagama’t hindi pa tiyak kung lahat ng kinita ng mga bilyarista ay naisama na ay halos selyado na si American Shane Van Boening ang No. 1 seat sa $178,960.00 kasunod si Briton Darren Appleton ($118,824.00). (ATan)