NCFP palalakasin ang kanilang mga manlalaro
MANILA, Philippines - Pagtutuunan ng National Chess Federation Philippines ang pagpapaunlad sa kaalaman ng mga manlalaro para sa taong 2015.
Mas maraming local tournaments ang balak gawin ng NCFP bukod sa pagpapalawig sa mga international tournaments na puwede nilang salihan at magagawa ito ng pederasyon dahil na rin sa suporta ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ang chess ay isa sa tatlong sports na isinama na sa priority sports ng ahensya. Kasama rito ang mga contact sports na judo at karatedo at ang kanilang pinalitan ay ang swimming, weightlifting at bowling na hindi nakakapaghatid ng inaasahang medalyang ginto sa mga torneong nilahukan tulad ng SEA Games at Asian Games.
“Ang dagdag na perang makukuha sa PSC ay ating gagamitin para makahubog ng mga mahuhusay na manlalaro. Ang chess ay hindi kasali sa Singapore SEA Games pero maraming torneo na puwedeng salihan para gumaling ang ating mga manlalaro,” wika ni NCFP executive director GM Jason Gonzales.
Napilayan ang chess ng bansa nang lumipat mula Pilipinas tungo sa US ang mahusay na GM Wesley So na ngayon ay nasa ika-sampung puwesto sa overall sa FIDE rating bitbit ang ELO 2762.
Nananalig lamang si Gonzales na magpapatuloy ang magandang samahan ng mga nasa sport na ito at magkakaisa ang kanilang layunin na tulungang ibalik ang sigla ng chess.
- Latest