Wushu 13 atleta ang isasabak sa Singapore SEA Games

MANILA, Philippines - Nasa 13 atleta ang ba­lak ipadala ng Wushu Federation of the Philippines (WFP) para ilaban sa 2015 SEA Games sa Singapore.

Sa bilang na ito ay 11 ang panlaban sa taolo na siyang dapat na kuminang lalo pa’t dalawang events na lamang sa sanda ang paglalabanan.

Ang mga gintong me­dalya na paglalabanan sa Singapore ay sa men’s 56kg at 60kg divisions at ang ipanlalaban ng bansa ay sina Asian Games silver medalist Jean Claude Saclag at bronze medalist Francisco Solis.

“Binawasan ang events sa sanda dahil alam ng Singapore na malakas tayo. Pero lalaban pa rin ang ating mga atleta,” wika ni WFP secretary-general at Chief of Mission ng Pambansang koponan Julian Camacho.

Mangunguna sa mga pambato sa taolo ay ang dating world junior champions na sina John Keithley Chan at Myammar SEA Games at Incheon Asian Games silver medalist Daniel Pa­rantac.

Ang iba pang kasali ay sina Thornton Quieney Lou Sayan, Norlence Ar­dee Catolico, Spencer P­a­l­itog Bahod at  Dave Degala sa kalalakihan at sina Kariza Kris Chan, Agatha Chrystenzen Wong, Natasha Manalansan Enriquez, Lesly Romero at Vanessa Jo Chan sa kababaihan.

Naghatid ng tatlong gin­to, tatlong pilak at da­lawang bronze medals ang koponan sa Myanmar at para mapalakas ang laban sa Singapore ay bibigyan ang mga wushu artists ng matinding pagsasanay sa China na balak simulan sa Enero.

 

Show comments