MANILA, Philippines – Isinara ng Team University Athletic Association of the Philippines (UAAP)-Philippines ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng paghablot ng isang silver at dalawang bronze medals sa swimming para tumapos sa fifth place sa Asean University Games sa Palembang, Indonesia.
Pumangalawa si Hannah Dato ng Ateneo sa wo-men’s 100 meters freestyle para idagdag sa kanyang personal collection na tatlong gold, dalawang silver at isang bronze.
Tinulungan niya ang Team UAAP-Philippines sa pinakamagandang pagtatapos sa nasabing biennial meet para sa mga student athletes sa rehiyon.
Nagtala si Dato, ang UAAP women’s swimming MVP, ng oras na 58.06 para pumangalawa kay Chui Lai Kwan (57.97) ng Malaysia kasunod si Benjaporn Sriphanomthorn (58.12) ng Thailand.
Nakamit din ng Lady Eagle sensation ang bronze sa women’s 200-meter butterfly sa kanyang oras na 2:22.62 sa ilalim nina Cai Lin (2:18.88) ng Malaysia at Raina S. Grahana (2:19.54) ng Indonesia.
“I wasn’t really expecting it,” sabi ni Dato.
Kinuha naman ni Ateneo standout at London Olympian na si Jessie Khing Lacuna ang bronze medal sa men’s 1,500-meter freestyle sa kanyang tiyempong 16:47.15 sa ilalim nina Kevin Soon Choy Yeap (15:53.67) at Vernon Lee Jeau Zhi (16:14.79) ng Malaysia.
Nakakuha ang Team UAAP-Philippines ng apat na gold, tatlong silver at siyam na bronze medals sa swimming, habang naglista ng 4-4-4 tally sa taekwondo, 2-1-3 sa athletics at isang silver sa diving at isang bronze sa women’s volleyball para sa kabuuang 10 gold, 11 silver at 22 bronze medals sa regional meet na nagsimula noong December 9.
Hinirang na overall champion ang host Indonesia (64-77-45) kasunod ang Thailand (52-34-23), Malaysia (38-39-49) at Vietnam (24-14-2).
Ito ang pinakamatagumpay na kampanya ng isang UAAP team sapul noong 2008 edition sa Kuala Lumpur kung saan nag-uwi ang mga atleta ng 8 golds, 12 silvers at 21 bronzes para sa sixth splace.