BOSTON – Hindi mapakali si Celtics coach Brad Stevens kaugnay sa ilalaro ng kanyang koponan matapos ibigay si Rajon Rondo sa Dallas sa pamamagitan ng trade.
Maganda naman ang ipinakita ng Boston.
Isang araw matapos dalhin ang kanilang NBA assists leader sa Mavericks, tinalo ng Celtics ang Minnesota Timberwolves, 114-98.
“I’m looking forward to seeing what kind of emotion we have,” sabi ni Stevens bago ang laro.
“We did a lot of good things. I thought the ball was moving great,” wika niya matapos ang kanilang panalo sa Minnesota.
Nagdagdag si Jeff Green ng 18 points para sa Boston, habang may tig-14 sina Jared Sullinger, Tyler Zeller at Avery Bradley.
Nalasap naman ng Timberwolves ang kanilang ika-10 kabiguan sa nakaraang 11 laro.
Kinuha ang 95-92 abante sa gitna ng fourth quarter, umiskor ang Celtics ng walong sunod na puntos para makalayo sa 107-94 sa 3:25 minuto.
Umiskor si Kelly Olynyk ng 21 points para pamunuan ang anim pang Celtics na nagtala ng double figures.
Ang Minnesota ay pinamunuan ni Shabazz Muhammad sa kanyang 26 points, habang nag-ambag si Chase Budinger ng season-high 19 mula sa bench.
Sa San Antonio, umiskor si Damian Lillard ng career-high 43 points, kasama ang 16 matapos ang regulation, para akayin ang Portland Trail Blazers sa 129-119 triple overtime win.
Nagdagdag si LaMarcus Aldridge ng 32 points at 16 rebounds.