MANILA, Philippines - Isinantabi muna ng 5-man committee na nangangasiwa sa pagpapatakbo ng Philippine volleyball ang usaping pulitika para sa mas mahalagang bagay, ang pagbuo ng national women’s U23 team na lalaro sa international tournament sa bansa sa Mayo, 2015.
Sa pakikipag-ugnayan kay POC first Vice President Joey Romasanta na siya ring pinuno ng komite, sinabi niyang minamadali nila ang pagbuo sa national U23 team dahil sa Pilipinas isasagawa ang kauna-unahang Asian Volleyball Confederation (AVC) U23 Championship mula Mayo 1 hanggang 9.
Kasama ni Romasanta sa komite si Mossi Ravena, Ricky Palou, POC legal adviser Atty. Ramon Malinao at Chippy Espiritu at napagdesisyon nila na tapikin bilang head coach si Roger Gorayeb.
“The committee decided to put on hold issues regarding administrative and leadership problems of the PVF because our primary concern now is the formation of the U23 team since we are the host of the tournament,” wika ni Romasanta.
Mahalaga ang kompetisyon dahil ang dalawang mangungunang koponan ay aabante sa FIVB Women’s U23 World Championship sa Turkey mula Agosto 12 hanggang 19, 2015.
“Coach Roger was the coach of a hastily formed national women’s team that competed in the FIVB World Wo-men’s Championship qualifier last year in Vietnam. In fairness to him, he should be that one to handle this team,” dagdag ni Romasanta.
Tanggap naman ni Gorayeb ang pagnombra sa kanya sa national team.
“Kahapon ako tinawagan ni sir Joey at kung kailangan nila ang serbisyo ko ay wiling akong tumulong,” pahayag ni Gorayeb na siyang coach ng multi-titled NCAA team na San Sebastian Lady Stags.
Nababahiran ng gulo sa pulitika ang volleyball sa bansa dahil may dalawang paksyon ang nagsasabing sila ang lider ng Philippine Volleyball Federation.
Dahil dito ay kahit ang mga manla-laro na napili sa men’s at women’s national team ay nagsalita na sila ay panig sa liderato ni Karl Chan at Rustico Camangian bilang pangulo at secretary general ng PVF. (AT)