MANILA, Philippines - Naisakatuparan ng Philippine Blu Boys ang misyon na makalaro sa World Men’s Softball Championship sa Saskatoon, Canada mula Hunyo 26 hanggang Hulyo 5.
Tinalo ng pambansang koponan ang host Singapore, 5-2 sa Asian Men’s Softball Championship Page System noong Huwebes at nakatiyak na ang koponang hawak ni coach Isaac Bacarisas ng hindi bababa sa ikatlong puwestong pagtatapos.
Ang kompetisyon ay nilahukan ng anim na bansa at isang World qualifying tournament na kung saan ang mangu-ngunang tatlong bansa ay aabante sa Canada.
Naglaban din ang Japan na hindi natalo sa limang laro sa elimination round, at Indonesia (4-1) kung saan talo ang una sa 4-0 iskor.
Ang Japan at Indonesia ay pasok na rin sa World Championship.
Magtatapos ang kompetisyon ngayong araw at hihintayin ng Japan ang mananalo sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia upang kalabanin para sa titulo. Ang dalawang laro ay gagawin sa Kallang Softballl Diamond.
Pahinga ang aksyonn noong Biyernes at tiyak na ginamit ito ng Pilipinas para mapaghandaan ang Indonesia na nailusot ang 9-8 panalo sa elimination round.
Ang Pilipinas ay tumapos sa single-round robin tangan ang 3-2 baraha dahil natalo rin sila sa Japan (15-0) habang nagwagi sa Pakistan (21-0), Singapore (8-3) at Brunei (9-1).
Ang Brunei na may 1-4 karta at Pakistan na hindi nanalo sa limang laro ang kumumpleto sa mga naglaban sa Asian Championship.
Nasa 16 bansa lamang ang maglalaro sa World Championship at ang pagsali ng Japan, Pilipinas at Indonesia ay nagpalawig sa bilang ng mga kasali na sa 14 teams.
Nangunguna sa World Championship ang nagdedepensang kampeon New Zealand bukod pa sa Australia, Argentina, Dominican Republic, Mexico, USA, Venezuela, Czech Republic, Denmark, Netherlands at host Canada. (AT)