NEW DELHI – Dahil sa pagtangging tanggapin ang kanyang bronze medal sa nakaraang Asian Games ay pinatawan ng one-year ban ang isang Indian female boxer.
Ibinase ng world governing body na AIBA ang ban kay Sarita Devi sa nangyaring insidente noong Oktubre 1, ulat ng Boxing India.
Ito ay mas magaang na parusa taliwas sa naunang pahayag ni AIBA president CK Wu sa The Associated Press noong nakaraang buwan na mabigat na kaparusahan ang ipapalasap sa Indian women boxer.
“There was apprehension that Sarita would be banned for life, but Boxing India continuously worked to get relief for Sarita, trying to impress on AIBA that she is a disciplined boxer,” sabi ni Boxing India president Sandeep Jajodia.
Napatawan rin si Devi, sinuspinde matapos ang insidente, ng 1,000 Swiss francs ($1,040), habang si Cuban coach B.I. Fernandez ay pinatawan ng two-year ban.
Nagalit si Devi sa judging sa kanyang semifinal loss sa 60-kilogram division at ipinakita niya ito sa medal ceremony kung saan tinanggihan niyang ilagay sa kanyang leeg ang bronze medal. Iniabot niya ito kay South Korean Park Ji-na na tumalo sa kanya.
Iniwan naman ito ng South Korean sa podium.
Hindi nakalahok si Devi sa nakaraang women’s world championships noong nakaraang buwan ngunit maaaring sumali sa qualifying tournament para sa 2016 Olympics in Rio de Janeiro.