MANILA, Philippines - Magiging maaksyon ang susunod na taon para sa mga volleyball fans sa pagdaraos ng Philippine Superliga (PSL) ng dalawang eksplosibong events na lalo pang magdudulot ng kasabikan sa All-Filipino Conference at import-laced Grand Prix.
Ibinunyag kahapon ni PSL president Ramon Suzara na magdaraos sila ng isang beach volleyball tournament bukod pa sa Champions Cup kung saan maglalaban ang mga nagkampeong koponan sa PSL, Shakey’s V-League, University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA).
Maliban sa apat na pangunahing stakeholders, da-lawa pang national teams mula sa Asian countries ang inimbitahan na magpapataas sa antas ng kompetisyon sa pocket tourney na isasagawa sa tatlong araw sa Abril.
Idinagdag pa ni Suzara nakikipagtulungan na siya kina Taguig City Mayor Lani Cayetano at Congressman Lino Cayetano ukol sa pagtatayo ng isang Olympic-standard sand court na magiging venue ng beach volleyball competitions.
Ang lahat ng laro ay gagawin sa gabi at ang mga koponan ay kukunin mula sa lalaro sa All-Filipino Cup.
“We will ask all teams to field their strongest -- and prettiest -- players in the beach volleyball competition,” sabi ni Suzara, dating secretary-general ng Philippine Volleyball Federation at aktibong miyembro ng Asian Volleyball Confederation at ng International Volleyball Federation.
May anim na koponan na sa women’s division na kinabibilangan ng Grand Prix champion Petron, Generika, RC Cola-Air Force, Cignal HD, Foton at Mane ‘N Tail, papalitan ang pangalan sa Pocari Sweat.