MANILA, Philippines - Isang five-man FIBA technical team ang bibisita sa Manila sa Enero 26-30 para inspeksyunin ang mga ve-nues na maaaring pagdausan ng mga laro sa hangad ng Pilipinas na pamahalaan ang 32-team World Cup sa 2019.
Ito ang ibinunyag kahapon ni PBA chairman Patrick Gregorio.
Si Gregorio ay nasa FIBA headquarters, tinaguriang ‘House of Basketball, sa Mies na isang Swiss village halos 10 minuto ang layo mula sa Geneva international airport, kasama ang Philippine delegation na dumalo sa isang bid workshop.
Ang delegasyon ay binubuo nina Gregorio, SBP executive director Sonny Barrios, SBP deputy executive director for external affairs Butch Antonio, Tourism Promotions Board chief operating officer Domingo Enerio, Octagon Asia-Pacific president Sean Nicholls at logistics consultant Andrew Teh.
Sumama naman sa kanila si Philippine Ambassador to Switzerland and Liechtenstein Leslie Baja sa unang araw ng two-day workshop.
Seryoso si SBP president Manny V. Pangilinan na itulak ang kanyang pagbi-bid para pamahalaan ang 2019 World Cup.
“I simply want to show the world the Filipino can,” sabi ni Pangilinan. “That we’re capable of staging a complex global event such as the FIBA World Cup. And I want the world to know who we are as a people----our values, culture and music.”
Ang iba pang kinatawan sa workshop ay ang mga delegado mula sa China, Germany, France, Turkey at Qatar.
Ikinukunsidera ng Germany na magkaroon sila ng joint bid ng France.
Nauna nang nagpakita ng interes ang Brazil, Puerto Rico, Venezuela at isang consortium na binubuo ng Estonia, Finland, Latvia at Lithuania na mag-bid ngunit hindi nakabilang sa short list.
Sinabi ni Antonio na humanga si FIBA president Horacio Muratore ng Argentina sa Pilipinas dahil sa pagpapadala ng pinakamalaking delegasyon sa hanay ng anim na bansa.
Ang China, Germany at France ay may tig-apat na delegado, habang may tig-tatlo ang Turkey at Qatar.
“No players were present in any of the groups,” ani Antonio. “FIBA went through all the bid guidelines. On the first day, Ambassador Baja drove all the way from Berne to join us. During lunch at the FIBA headquarters, no less than Mr. Muratore at with us. The topic was obviously about the passion for basketball in our country.”