MANILA, Philippines – Dahil sa inaasahang pagdami ng mga sasali sa women’s division, minabuti ng pamunuan ng Phi-lippine Superliga na alisin muna ang men’s division kahit sa unang conference ng 2015.
“From six teams ay maaaring lumaki ang participants to eight or ten teams sa women’s division kaya talagang pagtutuunan muna namin ang women’s division. Maganda rin ang aksyon sa men’s pero talagang hindi pa ito malakas sa manonood,” wika ni Sports Core president at CEO Ramon ‘Tats’ Suzara.
Ang Sports Core ang siyang nag-oorganisa ng PSL.
Hindi pa pinangalanan ni Suzara ang mga koponang sasali sa All Filipino Conference na nakakalendaryong magbukas sa Marso 7 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City dahil kasalukuyan pang nag-uusap ang liga at ang mga inaasintang koponan.
“Bakasyon ngayon but it will be a working holiday for us dahil patuloy ang trabaho namin kasi marami pang kailangang ayusin in preparation for next year’s PSL.
Sa Enero ay magiging abala na ang liga sa pagtanggap ng aplikasyon sa mga gustong sumali sa drafting ng liga na gagawin sa huling linggo ng buwan ng Pebrero.
Gaya sa mga nagdaang season ay dalawang conference ang gagawin ng PSL at ang ikalawang conference ay ang Grand Prix na katatampukan pa rin ng mga imports.
Pero magkakaroon ng mga off-season tournaments at isa sa tiyak na kasasabikan ay ang PSL Champions League na katatampukan ng kampeon ng PSL, Shakey’s V-League, NCAA at UAAP.
Kung matuloy, ito ang magiging kauna-unahang liga na katatampukan ng apat kampeon ng malala-king liga sa volleyball sa bansa.
“We will also have a new television partner in TV5 and we formalized our partnership in Hong Kong last week. With all these things, we can expect another exciting 2015 season,” ani pa ni Suzara.