MANILA, Philippines - Kung magtutuluy-tuloy ang suportang ibinibigay ng Kongreso, bago matapos ang 2015 ay nakatayo na ang bagong training center sa Clark Field sa Pampanga.
Sa pagdalo ni PSC chairman Ricardo Garcia sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon, sinabi niyang kumikilos na ang batas na naglalayong bigyan ng pondo ang pinaplanong pagpapatayo ng bagong pasilidad upang maalis na ang mga Pambansang atleta sa Rizal Memorial Sports Complex.
Nagpulong ang House Committee on Youth and Sports na pinangungunahan ni Congressman Anthony del Rosario noong Lunes at iprinisenta ng PSC ang kanilang planong paglipat sa Clark at sinasabing maganda ang pagtanggap ng Komite sa bagay na ito.
“The bill will take more than a year but in the absence of a bill, if this is approved by Congress, magkakaroon na ito ng budget which is the root of our problem that is why we can’t transfer immediately,” wika ni Garcia.
Halagang P3.5 bilyon ang kaila-ngan ng PSC para mabuo ang plano na paggamit sa 50-ektaryang lupain na nasa pamamahala ng Clark Airport Authority na ipahihiram sa Komisyon sa loob ng mahabang taon sa halagang piso kada taon.
Kung magkakaroon na ng pondo, mga anim hanggang pitong buwan lamang ang kakailanganin at maiaalis na ang mga atleta sa RMSC na bukod sa luma na ay sobra pa ang polusyon na makakasama sa kalusugan ng mga panlaban sa palakasan.
“Once we get the funds, the transfer will take six to seven months. It’s not a long process because a lot of structures you can just assemble it. We can build a gym in 50 days,” paliwanag pa ni Garcia.
Ang isa sa naunang plano para makakuha ng pondo ay ang ibenta ang Complex, bagay na hindi na gagawin dahil malabong mangyari ito lalo pa’t ang City of Manila ang siyang nagmamay-ari nito.
Kasabay nito ay inihayag din ni Garcia na pasado ang marka niya sa Philippine Sports dahil marami ring atleta ang nag-uwi ng karangalan sa mga sinalihang malalaking kompetisyon.
Aminado siya na tulad ng karamihan ay nadismaya rin siya sa ipinakita ng Pambansang koponan sa Asian Games sa Incheon Korea lalo pa’t hindi nakuha ang medal target gayong si Garcia ang iniluklok na Chief of Mission.
Ngunit hindi dapat sisihin ang atleta dahil tunay na ibinigay nila ang lahat ng makakaya at natalo lamang dahil sa ‘breaks of the game’.
“I had high hopes dahil Chief of Mission pa ako. Pero niregaluhan din tayo ng isang gold medal at sa lahat ng araw ay sa birthday ko pa nangyari,” sabi pa ni Garcia.
Si BMX rider Daniel Caluag ang siyang nagsalba sa kampanya sa Incheon nang kunin ang gintong medalya at isama sa tatlong pilak at 11 bronze medals. (AT)