MANILA, Philippines – Nakita ang galing ni Christopher Garganta noong Linggo nang ipanalo ang apat sa limang sakay, tampok ang pagwalis sa dalawang stakes races na pinaglabanan sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Unang kuminang ang La Peregrina sa 1st Pasay “The Travel City” Cup na ginawa sa 1,200-metro distansya bago isinunod ang Heyday sa Pasay City Mayor’s Cup na inilagay sa 1,600-metro distansya.
Ikalawang sunod na panalo ito ng La Peregrina sa buwan ng Disyembre at napangatawanan ng tambalan ang pagiging paborito sa pitong naglabanan, kasama ang isang coupled entry.
Nakontento muna ang La Peregrina sa ikalimang puwesto bago inilabas ni Garganta saka rumemate.
Sa rekta ay angat na ang nasabing kabayo habang malakas din ang pagdating ng naunang nabugaw na Walk The Talk sa pagdiskarte ni Jeff Zarate. Pero kinapos ang tambalan para malagay sa ikalawang puwesto.
Sa kabilang banda, ang Heyday ay sumunod agad sa Jade Avenue at That Is Mine sa Mayor’s Cup bago kumawala sa far turn.
Sinikap ng Jade Avenue na diniskartehan ni Jonathan Hernandez, na pag-initin muli ang sakay pero wala na itong inilabas para malagay sa ikalawang puwesto.
Ang dalawang stakes races ay sinahugan ng tig-P300,000.00 kabuuang gantimpala at ang La Peregrina at Heyday ay nagkamal ng P180,000.00 premyo.
Ang iba pang kabayong naipanalo ni Garganta ay Facing The Music at Spirit sa races two at six. Ang huling diniskartehan ni Garganta ay Pearl Bull sa race 11 pero nalagay lamang ito sa pang-apat na puwesto sa karerang pinagharian ng Show Must Go On. (AT)