Q’finals tangka ng Hapee

MANILA, Philippines – Selyuhan ang upuan sa quarterfinals ang maisasakatuparan ng Hapee Fresh Fighters kung mananalo sa Café France sa pagpapatuloy ngayon ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa Marikina Sports Complex sa Marikina City.

Ikatlong laro dakong alas-2 ng hapon gagawin ang tagisan na dapat ay nangyari na noong nakaraang Lunes pero naudlot dahil sa bagyong Hagupit (Ruby).

Balak din ng Cagayan Valley Rising Suns na maisulong sa anim na sunod ang pagpapanalo sa pagbangga sa isa pang matikas na  koponan ng Jumbo Plastic na mapapanood matapos ang unang laro sa hanay ng Cebuana Lhuillier Gems at AMA University Titans sa ganap na ika-10 ng umaga.

May 3-3 karta ang Gems at kailangan ang panalo para palakasin ang pag-okupa sa ikalimang puwesto sa 12-koponang liga.

Ang mangungunang anim na koponan matapos ang single-round elimination ay aabante habang ang mangungunang dalawang koponan ay papasok na sa Final Four.

Ang Fresh Fighters at Rising Suns ay may 6-0 at 5-0 baraha ngunit ang Bakers at Giants na nasa ikatlo at apat na puwesto sa  5-1 at 5-2 marka ay tiyak na mag-aasinta ng panalo para maging palaban din sa mahalagang puwesto sa semifinals.

Nananalig si Hapee coach Ronnie Magsanoc na lalabas na ang tunay na bangis ng koponan sa Bakers sa pagtutuos ng dalawang nangungunang defensive teams sa liga.

Nililimitahan ng Hapee ang mga kalaban sa 59 puntos habang nagbibigay ang Bakers ng 64 puntos.

Sasakyan ng Giants ang 120-77 panalo  sa MP Hotel Warriors sa hu-ling laro na kinakitaan ng pagkakaroon ng pitong  manlalaro na nasa double  digits.

Paborito ang Cagayan Valley dahil patuloy na hindi magagamit ng Giants ang malalaking manlalaro na sina Jan Colina at Mac-Lean Sabellina. (AT)

 

Show comments