Orcollo No. 5 sa world ranking
MANILA, Philippines – Naiangat uli ni Dennis Orcollo ang ranking sa World Pool Association (WPA) nang malagay sa ikalimang puwesto sa pangkalahatan sa kalalakihan.
Siyam na torneo sa kalalakihan ang binasbasan ng WPA sa taong ito at si Orcollo na itinanghal bilang number one player ng mundo noong 2012 ay nakalikom ng 11,525 puntos, sapat para sa ikalimang puwesto.
Mas mataas ito kumpara noong 2013 nang malagay siya sa ika-12 overall.
Ang mga kompetisyong binigyan ng timbang ng WPA para sa rankings ay ang World 9-ball Championship, US Open 9-ball, China Open, All Japan Championship, CBSA Pool International Open, Euro Tour-Austria, Euro Tour-Slovenia, Euro Tour Dutch at Member Ranking Event sa China.
Sa US 9-ball Open umani ng pinakamalaking puntos si Orcollo sa 5,400 na naglagay sa ikalawang puwesto kay Shane Van Boening.
Si Neils Feijen ng The Netherlands ang nasa unang puwesto sa 15,230 puntos. Tampok na panalo ay sa World 9-Ball Championship para sa 10,000 puntos.
Si Chang Yu Lung ng Chinese Taipei ang pumanga-lawa sa 15,175 kasunod sina Van Boening ng USA at Li Hewen ng China na mayroong 14,600 at 12,255 puntos.
Ang pambato sa kababaihan na si Rubilen Amit ay nasa ikapitong puwesto sa kanyang hanay bitbit ang 7,490 puntos. Nanguna sa kababaihan si Siming Chen ng China sa 12,540 puntos. (AT)
- Latest