MANILA, Philippines – Sa huddle ng Alaska matapos tumawag ng timeout si coach Norman Black para sa Meralco sa gitna ng first period ay iginiit ni mentor Alex Compton sa kanyang koponan ang patuloy na pagpe-pressure.
Ito ay sa kabila ng kanilang 14-point lead.
Lalo pang pinalobo ng Aces sa 22 puntos ang kanilang kalamangan sa halftime patungo sa 87-69 pagsibak sa Bolts para umabante sa semifinal round ng 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
“The story of the game ‘yung umpisa namin maganda. Kapag sa isang half ‘yung kalaban mo naka-25 points lang, malaki tsansa mo,” sabi ni Compton, nakahugot ng 17 points at 9 rebounds kay Vic Manuel, habang nag-ambag ng 15 at 13 markers kina Cyrus Baguio at Dondon Hontiveros, ayon sa pagkakasunod.
Lalabanan ng Alaska ang No. 2 Rain or Shine para sa best-of-seven semifinals series.
Kinuha ng Aces ang 27-12 bentahe sa first period bago nakalapit ang Bolts sa 58-71 agwat sa ilalim ng walong minuto sa final canto.
Kumamada naman sina Manuel at JVee Casio para muling ilayo ang Alaska sa Meralco sa 81-62 sa huling 4:16 minuto ng labanan.
Nauna nang inilampaso ng Alaska ang Meralco via 41-point win, 105-64 sa kanilang unang paghaharap sa elimination round.
ALASKA 87 - Manuel 17, Baguio 15, Hontiveros 13, Casio 11, Banchero 8, Abueva 5, Jazul 5, Exciminiano 4, Dela Cruz 4, Menk 3, Dela Rosa 2, Eman 0, Thoss 0.
Meralco 69 - Wilson 16, Anthony 11, Cortez 11, David 8, Caram 7, Hodge 5, Macapagal 4, Buenafe 3, Dillinger 2, Hugnatan 2, Ildefonso 0, Ferriols 0, Sena 0, Guevarra 0.
Quarterscores: 27-12; 47-25; 64-50; 87-69.