Lady Falcons sinolo ang 3rd spot sa UAAP women’s volleyball
MANILA, Philippines – Nakitaan muli ng impresibong laro si Mylene Paat at ang Adamson Lady Falcons ay nanalo sa ikatlong sunod na pagkakataon laban sa UST Tigresses, 25-17,15-25, 25-20, 25-20, sa pagtatapos ng aksyon sa 2014 ng 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May anim na blocks si Paat tungo sa 15 hits, habang si Amanda Villanueva ay may 10 kills para sa 15 puntos at ang Lady Falcons ay nagsolo sa ikatlong puwesto sa 3-2 baraha.
Nangyari ito dahil nabigo ang NU Lady Bulldogs sa FEU Lady Tamaraws sa 23-25, 24-26,10-25, sa ikalawang laro.
Ang baguhang si Toni Rose Basas ay gumawa ng 14 kills tungo sa career-high na 15 hits, habang si Bernadeth Pons ay may 15 hits din, 10 dito ay sa unang yugto para magkaroon ng magandang pagtatapos ang naunang matamlay na kampanya ng FEU.
Nagpakawala ng 16 attack points ang Adamson sa ikatlong set para bawiin ang momentum at tuluyang ipalasap sa UST ang ika-limang pagkatalo matapos ang anim na laro
Tinalo ng UST Tigers ang FEU Tamaraws, 22-25, 25-19, 27-25, 25-22, habang nanalo ang Adamson Falcons sa La Salle Archers, 25-16, 22-25, 25-20, 21-25, 15-13, para manatiling magkasalo sa ikalawang puwesto sa men’s division.
- Latest