MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng kabayong Salinas ang pagiging paborito sa nilahukang karera nang nakapagdomina ito noong Huwebes ng gabi sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si Dominador Borbe Jr. ang hinete ng pitong taong mare horse at inilabas ng Salinas ang bangis sa huling 100-metro para daigin ang Wild Storm sa 1,200-meter Handicap race 2.
Unang kumawala ang Salinas pero naghabol agad at kinuha ng Wild Storm ang liderato pagpasok sa unang kurbada.
Umagwat ito ng halos tatlong dipa pero naubos din sa rekta para maibigay sa Salinas ang unang panalo sa pangalawang takbo sa buwan ng Disyembre.
Nasa P6.50 ang dibidendo ng win habang ang 3-7 forecast ay may P43.00 dibidendo.
Mas kondisyon naman ang Standout sa mga nakalaban sa 3YO & Above Maiden race sa 1,200-metro distansya habang ang nakasilat na kabayo ay ang Biboy’s Girl.
Ang mga dalawang kabayong ito ay parehong diniskartehan ni Rodeo Fernandez para maging winningest jockey sa gabing ito sa pista na pag-aari ng Philippine Racing Club In. (PRCI).
Ang tatlong taong colt na may lahing Belong To Me at Bold Princesita ay kasabayan ng paboritong C Alisha at Sunsworld sa unahan pero pagpasok sa huling kurbada ay bumulusok mula sa likuran ang Hard Mineral.
Nagawa pang lumamang ng kaunti sa rekta ngunit handa si Fernandez sa nangyari at gamit ang balya ay hinataw ang sakay na kabayo tungo sa panalo.
May P8.00 ang dibidendo ng nagwaging kabayo habang ang 7-3 forecast ay nagpasok ng P101.00.
Mahusay din ang pagkakalagay ni Fernandez sa balya sa Biboy’s Girl para makabawi sa mahinang alis at manalo sa Handicap race sa 1,200-metro karera.
Ang apat na taong filly ay nasa pangalawa sa bugaw sa pitong naglaban sa karerang pinakapatok ang Lucky Joe Lucky ni A.P. Asuncion.
Nasa unahan ang paboritong kabayo sa huling 150-metro ng karera pero hindi napansin ang paparating na Biboy’s Girl na unang nailusot ang ilong sa meta.
Nakabawi ang Biboy’s Girl mula sa ikapitong pagtatapos noong Nobyembre 30 at nagpasok sa win ng P28.50 habang ang 5-6 forecast ay mayroong P35.50 na ipinamahagi. (AT)