MANILA, Philippines - Masigasig si Bob Arum ng Top Rank Promotions na tuluyan nang maitakda ang mega showdown nina Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao at American five-division titlist Floyd Mayweather, Jr. sa susunod na taon
Ngunit nang makipag-usap sa mga reporters matapos ang press conference para sa laban nina Timothy Bradley, Jr. at Diego Chaves bukas sa Cosmopolitan sa Las Vegas, Nevada ay ramdam ang panghihina-yang sa mukha ng 83-anyos na si Arum.
Sinabi ni Arum na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikipag-usap sa kanya ang sinuman sa Team Mayweather.
“As the silence becomes defining from the Mayweather side, I become less and less optimistic. I don’t know what it’ll take to get Mayweather in the ring with Pacquiao,” wika ni Arum.
Nakikipag-usap si Arum kay Les Moonves, ang Chief Executive Officer (CEO) ng CBS na parent network ng Showtime kung saan may exclusive contract si Mayweather para masimulan ang negosasyon sa laban ng American fighter sa Sarangani Congressman.
Kamakailan ay sinabi ni Arum na maaaring natatakot si Mayweather na labanan si Pacquiao dahil sa pagkakaroon nito ng malaking tsansang manalo sa kanya. Ayaw ring lumaban ng 37-anyos na si Mayweather sa mga kaliweteng boxer kagaya ng 35-anyos na si Pacquiao.
Matapos patumbahin ng anim na beses si American challenger Chris Algieri sa kanyang unanimous decision victory noong Nobyembre 23 ay hinamon ni Pacquiao si Mayweather.
Ngunit imbes na sagot ay pangu-ngutya kay ‘Pacman’ sa social media ang mas inuna ni Mayweather.
“It’s a 50/50 fight and I think it should happen. We have to wait and see if they can put it together. I think it makes sense,” sabi ni Bradley. (RC)