MANILA, Philippines - Ikatlong sunod na panalo ang balak kunin ng Adamson Lady Falcons at National University Lady Bulldogs sa magkahiwalay na laro sa 77th UAAP volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Katipan ng Lady Falcons ang UST Lady Tigresses sa ganap na ika-2 ng hapon bago sundan ng inaasa-hang mainit na labanan ng Lady Bulldogs at FEU Lady Tamaraws dakong alas-4 ng hapon.
Sa laro sa kalalakihan, pakay ng UST Tigers at Adamson Falcons ang kanilang kapwa ikaapat na panalo sa limang laro para manatiling magkasalo sa ikalawang puwesto kontra sa FEU Tamaraws at La Salle Archers, ayon sa pagkakasunod.
Matapos ang 0-2 panimula ay kumubra ng magkasunod na panalo ang Adamson at NU para malagay sa ikatlo at ikaapat na puwesto kasunod ng mga walang talong La Salle Lady Archers (5-0) at nagdedepensang kampeong Ateneo Lady Eagles sa ladies side.
Nananalig ang mga supporters ng Lady Falcons na patuloy ang matayog na paglipad ng spiker na si Mylene Paat para tabunan ang hamon mula sa Lady Tigresses na kailangang manalo para wakasan ang tatlong sunod na pagkatalo.
Nakikitaan ng magandang laro ang rookie na si EJ Laure ngunit malamya ang performance ng mga bete-rana para masayang ang unang panalo na nailista laban sa host UE Lady Warriors.
Ang galing ng mga spikers na sina Jaja Santiago at Myla Pablo ang sasandalan ng Lady Bulldogs upang manatili sa top-four.
Susukatin sila ng Lady Tamaraws na balak tapusin ang dalawang sunod na kabiguan para masayang ang 2-1 panimula. (AT)