MANILA, Philippines - Muling magbabalik sa kanilang mga huling pinagmulang koponan sina guards Alex Cabagnot at Sol Mercado.
Kahapon ay inaprubahan ni PBA Commissioner Chito Salud ang trade sa pagitan ng San Miguel at Globalport bago ang pagsisimula ng quarterfinal round ng 2014-2015 PBA Philippine Cup.
Muling kinuha ng Beermen si Cabagnot mula sa Batang Pier kapalit ni Mercado at ang kanilang 2018 at 2019 second round picks.
Naglaro sa San Miguel ng apat na seasons, nagposte si Cabagnot ng mga averages na 15.3 points, 7.2 rebounds at 5.1 assists para sa Globalport nga-yong komperensya.
Si Mercado naman ang makakatuwang nina 2014 No. 1 overall pick Stanley Pringle at Terrence Romeo sa backcourt ng Batang Pier.
Naglista si Mercado ng mga averages na 6.2 points, 2.8 rebounds at 2.6 assists para sa San Miguel ngayong torneo.
Nauna nang ibinasura ni Salud ang pagdadala sana ng Barako Bull Ener-gy kay guard Denok Miranda sa Beermen para kay Mercado.
Samantala, nakatakdang labanan ng No. 3 na Alaska ang No. 10 na NLEX ngayong alas-4:15 ng hapon, habang makaka-tapat ng No. 6 na Meralco ang No. 7 na Purefoods sa alas-7 ng gabi sa paghataw ng quarterfinals.
Sa tournament format, ang Top Two teams ang magkakaroon ng outright semis seat, habang bibigyan naman ng ‘twice-to-beat’ advantage ang No. 3, 4, 5 at 6 laban sa No. 10, 9, 8 at 7 teams, ayon sa pagkakasunod.
Sinikwat ng No. 1 na San Miguel at No. 2 na Rain or Shine ang dalawang outright semifinals berth mula sa magkapareho nilang 9-2 record.
Magdadala ng ‘twice-to-beat’ edge sa quarterfinals ang No. 4 na Talk ‘N Text laban sa No. 9 na Barako Bull at ang No. 5 na Ginebra kontra sa No. 8 na Globalport.
Ang mananalo sa laro ng Aces at Road Warriors ang makakatapat ng mananaig sa laban ng Bolts at Hotshots, habang sasagupain ng magtatagumpay sa Tropang Texters at Energy ang aangat sa Gin Kings at Batang Pier sa crossover knockout round para sa dalawang sisikwat sa No. 3 at No. 4 ticket sa Final Four kasama ang Beermen at Elasto Painters. (RC)