MANILA, Philippines - Magpapakondisyon pa ang Hagdang Bato sa pagtakbo nito sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sa isang Special Class Division race sa 1,500-metro distansya kakarera ang Hagdang Bato na hahawakan ni jockey Jonathan Hernandez at kasama ang coupled entry na Kanlaon na gagabayan ni Dominador Borbe Jr.
Galing ang premyadong kabayo na pag-aari ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos sa matin-ding panalo sa Ambassador Eduardo Cojuangco Jr. Cup sa race track na pag-aari ng Manila Jockey Club, Inc.
Sa 2,000-metro ginawa ang karera at naorasan ang back-to-back Horse of the Year awardee ng kahanga-hangang 2:04.6 na kaunting-kaunti lang ang diperensiya para pantayan ang record sa distansya na 2:04.4.
Kasama sa hiniya ng Hagdang Bato ay ang prem-yadong imported horse na Crucis na naubos sa kalulutsa sa katunggali para makontento lamang sa pa-ngatlong puwesto.
Ito na ang inaasahang magiging huling takbo ng Hagdang Bato bago isagawa ang Presidential Gold Cup sa nasabing pista sa Disyembre 21.
Naghahanda ng husto ang kabayong may la-hing Quaker Ridge sa Fire Down Under dahil makakaribal nito sa PGC ang nagdedepensang kampeong Pugad Lawin.
Galing ang nasabing kabayo sa pangunguna sa Philracom Grand Sprint Championship at tinalo nito ang Malaya.
Nanalo pa ang nasabing kabayo noong Nobyembre 23 na ginawa sa nasabing pista para makita rin ang magandang kondisyon.
Ang magtatangkang humamon sa Hagdang Bato sa karerang inilagay sa 1,500-metro distansya ay ang coupled entries din na Low Profile at Etcetera bukod pa sa Royal Jewels.
Walong karera ang gagawin sa ikalawa at huling araw ng pista sa race track na ito kabilang ang 2YO Maiden A at B at 3YO Maiden A at B races.
Nasa 13 kabayo ang maglalaban-laban sa 2YO Maiden na siyang unang karera at inilagay sa 1,400-metro distansya habang ang 3YO Maiden ay sa 1,300-metro pag-lalabanan at sinalihan ng walong kabayo.
Asahan na palaban ang lahat ng kasali dahil may nakatayang P10,000.00 gantimpala ang mananalo sa karerang nabanggit. (AT)