MANILA, Philippines – Kinumpleto ng University of the East ang pag-angkin sa mga korona ng men’s at women’s division ng UAAP Season 77 fencing tournament noong Linggo sa UP CHK Gym.
Binanderahan ni season MVP Nathaniel Perez, kumubra ang Red Warriors ng 4 golds, 1 silver at 2 bronze medals para angkinin ang kanilang ikatlong sunod na men’s crown sa four-day event.
Giniba ng UE ang University of Santo Tomas (1-2-2) at ang University of the Philippines (1-1-3) para sa league-best nilang pang-siyam na titulo.
Sa likod ni tournament MVP Kea Gonzales, ibinulsa naman ng Lady Warriors ang kanilang pang-walong sunod na korona para makamit ang record na ika-siyam sna titulo overall sa womens’ side.
Sinikwat ng Lady Warriors ang lima sa anim na gold medals na nakahanay bukod pa sa 2 silvers at 1 bronze para talunin ang Tigresses, nagtala ng 1 gold, 4 silvers at 3 bronze medals para sumegunda.
Tumapos naman ang Ateneo bilang third place sa kanilang 3 bronze medals.
Ang Rookie of the Year honors ay ibinigay kay Armstrong Tibay ng UP sa men’s division at kay Nicole Cortey ng UE sa women’s division.
Hindi lamang sa seniors division namayagpag ang Warriors kundi maging sa high school.
Inangkin ng UE ang ‘five-peat’ sa boys’ division at pinangunahan din ang girls side sa ikaapat na sunod na taon.
Samantala, kinansela ang UAAP athletics tournament kahapon sa Philsports oval dahil sa bagyong Ruby.
Ang Far Eastern University ang defending champion sa men’s at women’s athletics.