MANILA, Philippines - May mga basketball fans na nagsasabing mayroong dapat napasama at ilang hindi nararapat sa 40 Greatest PBA Players ng Philippine Basketball Association (PBA).
May mga kumukuwestiyon kung bakit wala sa listahan sina Nelson Asaytono at Danny Seigle.
Ang 6-foot-4 na si Asaytono, naglaro ng 17 taon sa liga, ay No. 4 sa all-time scoring list, samantalang ang 6’6 namang si Seigle ay ang 1999 Rookie of the Year awardee.
Hindi rin napabilang sa listahan sina rebounder Abe King, Dennis Espino at Bong Hawkins.
Aminado naman si PBA Governor Patrick Gregorio na hindi natatapos sa 40 ang bilang ng pinakamahuhusay na PBA players.
“Forty will never be enough. We’ve had so many great PBA players since 1975,” sabi ni Gregorio. “But to celebrate our 40th season, we had to do the difficult task of naming the 40 greatest PBA players – the pillars of the league. Mga idolo ng bawat Pilipino.”
Pangungunahan nina two-time MVP awardees James Yap, Danny Ildefonso at Willie Miller ang 15 players na idadagdag sa naunang listahan ng 25 PBA greatest players para maging 40 PBA Greats sa pagdiriwang ng local pro league ng ika-40 anibersaryo sa Abril ng 2015.
Ang iba pang MVP winners mula sa taong 2000 hanggang 2014, maliban kay three-year pro June Mar Fajardo, ay napasama sa elite roster na pinili ng PBA special nomination committee na pinamumunuan nina Robert Jaworski at Freddie Webb.
Makakasama nina Yap, Ildefonso, Miller, Asi Taulava, Eric Menk, Kelly Williams, Jayjay Helterbrand, Jimmy Alapag, Mark Caguioa at Arwind Santos sa grupo sina Jayson Castro, Marc Pingris, Kerby Raymundo, Chito Loyzaga at Marlou Aquino.
“It would be a big honor to be a part of that,” sabi ng 40-anyos na si Menk na hinirang na MVP noong 2005.
Naglaro ang tinaguriang ‘Major Pain’ ng 12 taon sa professional league bago napahinto ng ilang injury.
Kumampanya siya para sa San Miguel Beermen sa ABL kung saan nakasabay niya si Taulava bago nakabalik sa PBA para sa koponan ng Globalport at Alaska.
“I know it’s based on people’s opinions, but to be considered even is already an honor, for sure,” wika ni Menk, unang naglaro sa PBA para sa Tanduay Rhum Masters.
Ikinatuwa naman ni Loyzaga ang pagkakasama niya sa listahan.
“I would say again, I’m just lucky that my contributions and love for the sport have been recognized. But 40 years… it means that I have been around for a long time,” sabi ni Loyzaga.
Sampung taon naglaro si Loyzaga sa PBA para sa mga koponan ng Toyota, Great Taste at Ginebra.
Pitong beses siyang napasama sa All-Defensive Team at isa sa Mythical Second Team.