MANILA, Philippines – Itinala ni Fil-American Brandon ‘The Truth’ Vera ang kanyang unang panalo sa labas ng UFC.
Ito ay matapos pabagsakin ni Vera si URCC champion Igor Subora ng Ukraine sa first round noong Biyernes ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nauna nang natalo ang 37-na si Vera kina Mauricio ‘Shogun’ Rua at Ben Rothwell sa UFC.
“Maligayang Pasko” sabi ni Vera sa post-fight interview.
Nakamit naman ni Fil-Am Ana ‘The Hurricane’ Julaton ang kayang ikalawang sunod na laban sa mixed martial arts matapos magtala ng unanimous decision win laban kay Walaa Abbas.
Si Julaton, isang dating women’s world boxing champion, ay inalalayan ni PBA star Japeth Aguilar ng Ginebra.
Si Kevin Belingon ang tanging Filipino na nagwagi makaraang talunin si Koetsu Okazaki via unanimous decision win.
Nabigo naman ang mga local bets na sina Eduard Folayang, Honorio Banario at Rene Catalan kina Timofey Nastyukhin, Herbert Burns at Dejdamrong Sor Amnuaysirichoke, ayon sa pagkakasunod.