MANILA, Philippines – Nanatiling hindi nasusukat ang lakas ng nagdedepensang Ateneo Lady Eagles at La Salle Lady Archers nang mangibabaw via straight sets sa mga katunggali sa UAAP Season 77 women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Alyssa Valdez ay may 22 puntos upang maliitin ang galing ng bagitong si Ennajie Laure para tulungan ang Lady Eagles sa 25-21, 25-13, 25-19 panalo sa UST Tigresses.
May 19 kills at tatlong aces si Valdez, habang si Ella ay may 12 puntos, tampok ang 10 kills, para ibigay sa Ateneo ang 4-0 karta.
Si Laure na gumawa ng 39 puntos sa naunang tatlong laro ay nalimitahan sa 6 hits para lasapin ng UST ang ikatlong sunod na kabiguan matapos manalo sa UE Lady Warriors.
Hindi rin nagpahuli ang dating kampeong La Salle na agad ibinalik sa lupa ang UP Lady Maroons sa 25-16, 25-20, 25-21 panalo sa unang laro.
May 20 puntos si Ara Galang mula sa 16 kills at 3 blocks, si Cydthealee Demecillo ay may 10 hits at 10 digs at si Mika Reyes ay may 3 blocks patungo sa 9 puntos para manatiling nasa liderato ang koponan sa liga.
Samantala, nalusutan ng men’s champion National University Bulldogs ang UST Tigers, 25-22, 25-20, 23-25, 27-29, 15-5, para solohin ang liderato.
Naitabla naman ng Ateneo Blue Eagles ang kanilang baraha matapos ang apat na laro sa inangking 25-17, 25-18, 25-23 panalo laban sa UP Maroons.