La Salle, Ateneo ayaw madungisan
MANILA, Philippines - Itataya ng Ateneo Lady Eagles at La Salle Lady Archers ang kanilang 3-0 karta laban sa dalawang determinadong katunggali sa 77th UAAP wo-men’s volleyball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Unang sasalang ang Lady Archers laban sa UP Lady Maroons sa ganap na ika-2 ng hapon bago sundan ng pagkikita ng Lady Eagles at UST Tigresses dakong alas-4.
Unang laro ay sa panig ng Ateneo at UP sa ganap na ika-8 ng umaga bago sundan ng sagupaan ng UST at National University dakong alas-10 sa men’s division.
Ang mananalo sa nagdedepensang kampeong Bulldogs at Tigers ang pan-samantalang mangunguna sa kanilang dibisyon bitbit ang 4-0 baraha.
May 1-2 karta ang Lady Maroons pero hindi malayong bigyan nila ng magandang laban ang Lady Archers matapos pabagsakin ang Tigresses, 26-24, 23-25, 25-20, 25-17, noong nakaraang Miyerkules.
Bago ito ay pinahirapan din ng UP ang NU Lady Bulldogs bago isuko ang laban sa limang sets at pinaniniwalaan ng mga panatiko ng State University na may ibubuga pa ang mga ito.
Sa kabilang banda, ang Lady Eagles ay hindi pa nakakatikim ng set loss sa season para mapagningning ang tatlong sunod na tagumpay.
May 1-2 baraha rin ang Tigresses at manggagaling sa magkasunod na kabiguan at ang kanilang motibasyon ay pigilan ang losing streak.
Ang mahusay na baguhang si EJ Laure ay kailangang suportahan ng mga beterana ng UST tulad nina Pam Lastimosa at Carmela Tunay para magkaroon ng sapat na puwersa laban kina Alyssa Valdez, Michelle Morente, Amy Ahomiro at Ella De Jesus ng Lady Eagles. (AT)
- Latest