May nangyayaring negosasyon para sa Pacquiao-Mayweather fight
MANILA, Philippines - Mayroon pang dalawang laban na natitira sa $250-million contract ni WBC/WBA welterweight champion Floyd Mayweather sa cable TV network na Showtime.
At plano ng boksingerong kumikilala sa kanyang sarili bilang ‘Greatest Of All Time’ na tapusin ang kanyang career sa Setyembre ng susunod na taon.
Tangan ng 37-anyos na si Mayweather ang malinis na 47-0 record kasama ang 26 KOs at determinadong magretiro nang hindi natatalo.
Naipanalo niya ang pito sa huli niyang walong laban sa pamamagitan ng decision at ang tanging knockout ay kay Victor Ortiz noong 2007.
Ang huling tatlong laban ni Mayweather kina Ro-bert Guerrero at Marcos Maidana ay hindi umabot sa 1 million ang pay-per-view buys na nagpapakita ng pagdausdos ng kanyang popularidad.
Sinabi ng isang source na may nangyayaring pag-uusap ukol sa laban ni Mayweather kay WBO welterweight titlist Manny Pacquiao, nasa bakuran naman ng HBO na karibal ng Showtime, para sa isang cham-pionship unification showdown.
Sinabi ng source na may nilulutong trilogy na magsisimula sa May sa susunod na taon at ang rematch ay sa September. Ang ikatlong laban ay mangyayari sa 2016 ngunit sa naturang taon ay magiging abala si Pacquiao sa pagkampanya para sa Senate elections na mangyayari sa buwan ng Mayo ng natirang taon.
Idinagdag ng source na ang unang laban ay gagawin sa Las Vegas at ang dalawang fighter ay may gua-ranteed prize na $50 million bawat isa. Ang hatian sa kita sa pay-per-view ay 60 percent kay Mayweather at 40 percent kay Pacquiao.
Kung mangyayari ang laban ay inaasahang kikita ito ng $175 Million kung aabot sa 2.5 million hits ang pay-preview na ibebenta ng $70 per subscription. Pagkatapos ibawas ang mga expenses, maaaring umabot sa tig-$100 milyon ang makukuhang parte ng bawat fighters.
Nabanggit ni Top Rank chairman Bob Arum na nag-uusap ang Showtime at ang HBO ngunit hindi makumpirma kung may narating nang kasunduan.
Nagposte ang 35-anyos na si Pacquiao ng anim na pay-per-view fights na may 1 million hits kagaya ni Mayweather na siyang tanging fighter na nakapagposte ng dalawang pay-per-view bouts na kumita ng 2 million subscriptions. (Quinito Henson)
- Latest