MANILA, Philippines - Bagama’t isang rookie ay walang nakitang takot kay guard Jericho Cruz.
Isinalpak ni Cruz ang isang follow up basket mula sa mintis na free throw ni Paul Lee kasunod ang kanyang fastbreak layup sa hu-ling 0.7 segundo para ihatid ang Rain or Shine sa 98-95 panalo laban sa Alaska sa 2014-2015 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
“Jericho Cruz makes us look good. He made the winning shot, he defended well,” pagpuri ni head coach Yeng Guiao sa dating pambato ng Adamson University na tumapos na may 16 points at 5 rebounds.
Ang ikaanim na sunod na panalo ng Elasto Painters ang nag-angat sa kanila sa ikalawang puwesto at lumakas ang kanilang tsansa sa isa sa dalawang outright semifinals berth.
Nalasap naman ng Aces ang kanilang ikalawang dikit na kamalasan.
Ang mintis nina Eric Menk at Abueva ng Aces ang nagresulta sa fastbreak layup ni Cruz para sa 98-95 kalamangan ng Elasto Painters sa huling 0.7 segundo.
Makakamit ng Rain or Shine ang isa sa dalawang outright semis seat kung mananalo sila sa Ginebra sa kanilang huling laro sa eliminasyon bukas.
“We’ve got to cap this off with a win on Sunday. We’re not there yet but it’s a good jump off to Sunday’s game,” ani Guiao.
Samantala, kinansela ng liga ang naunang itinakdang banggaan ng nagdedepensang Purefoods at Barako Bull ngayong alas-5 ng hapon sa Dipolog City dahil sa bagyong ‘Ruby’.
Magkikita ang Hotshots at ang Energy sa Martes sa alas-2 ng hapon para sa tripleheader sa pagtatapos ng eliminasyon.
RAIN OR SHINE 98 - Lee 19, Cruz Jericho 16, Belga 16, Norwood 12, Chan 8, Quiñahan 8, Tiu 5, Almazan 5, Uyloan 3, Tang 3, Araña 2, Ibañes 1, Cruz 0, Jervy 0.
Alaska 95 - Abueva 18, Menk 16, Baguio 12, Casio 12, Manuel 11, Thoss 8, Hontiveros 6, Dela Cruz 4, Exciminiano 3, Jazul 3, Banchero 2, Eman 0, Dela Rosa 0, Bugia 0.
Quarterscores: 18-23, 42-45, 67-73, 98-95