“Gud am pre. Aatend ba ko awarding ng greatest players next year?” Ang nakakaintrigang text message na ito ang gumising sa akin Martes ng umaga.
Nang i-check ko ang numero, ang mensahe pala ay galing kay JRU coach Vergel Meneses, isa sa mga seeded sa selection process para sa 40 Greatest Players na paparangalan ng pro league sa kanilang 40th anniversary sa darating na Abril.
Ang siste ay kinulang ng isa ang previous 25 greatest awardees na aking inanunsyo sa aking breaking news sa The Philippine STAR na lumabas noong Martes.
At ang mas mabigat, dating MVP awardee ang aking nakaligtaan.
Hindi ito pambawi, ngunit nararamdaman ko na ang Bulacan pride na ito ay isa sa mga nakalinya na maluklok sa PBA Hall of Fame.
Labingwalong manlalaro na ang naiangat sa “Hall” at ang pinakahuling batch ay sina Benjie Paras, Lim Eng Beng at Ronnie Magsanoc.
Malalim ang aking paniniwala na susunod na sina Meneses, Johnny Abarrientos and Jojo Lastimosa – mga manlalarong umukit ng pangalan sa PBA noong dekada 90.
***
Hindi man ako ayon, hindi ako babatikos sa mga napili ng PBA special nominating committee na maidagdag sa 25 PBA Greatest para kumumpleto sa 40 Greatest.
Sila ang napiling mamili ng mga honorees at siyem-pre, sila ang may karapatang magtakda ng criteria para sa kanilang pagpili.
Ngunit gaya ng marami, ako ay may mga katanungan sa aking isip. Sesentro ako sa isa: Ano ang isyu laban kay Nelson Asaytono at bakit hindi nasama sa listahan ng mga greatest players?
Ni hindi siya nasama sa nomination sa bigat ng kanyang credentials sa laro.
No. 5 sa all-time scoring ladder, three-time mythical first team, four-time mythical second team, two-time Philippine Cup Best Player, 10-time All-Star player.
Nanalo rin siya ng championships habang naglalaro sa Purefoods, Swift, San Miguel Beer at Red Bull.
Kung may kulang man siguro ay ang hindi pagkakasama sa all-PBA national team. Ngunit nakapagsuot din naman siya ng national colors noong nasa amateurs pa siya.
Kahit mga kapwa legends ay nalulungkot sa ‘di pagkakasama ni Asaytono sa naunang 25 PBA Greatest at ngayon sa 40 PBA Greatest.