MANILA, Philippines - Magandang opensa ang ipinakita ng Cagayan Valley Rising Suns parakunin ang ikalimang sunod na panalo gamit ang 120-77 paggapi sa MP Hotel Warriors sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
May 11 puntos at 11 rebounds lamang ng top pick ng Cagayan na si Moala Tautuaa pero hindi ramdam ang limitadong produksyon ng 6’7” center dahil sa kinamadang 56% shooting (43-of-74).
Ang 43 puntos na kalamangan ang siyang lalabas din bilang pinakamalaking winning margin sa liga.
Pinagningning ang magandang shooting ng 14 triples at si Fil-Am Randy Dilay ay may 3-of-4 marka sa tres sa ikalawang yugto para itulak ang Rising Suns sa 65-39 bentahe.
Tumapos si Dilay sa taglay ang 12 puntos matapos paglaruin lamang sa unang 20 minuto ng labanan habang ang off-the-bench guard na si Celedon Trollano ang nanguna sa Cagayan sa kanyang 24 puntos.
Sinaluhan ng Warriors sa huling puwesto ang MJM Builders sa 1-5 baraha at bukod sa mahinang depensa, ininda rin ng koponan ang 25 turnovers maliban sa 30-52 bentahe sa inside points at 9-30 puntos sa fastbreak.
Bumangon agad ang Jumbo Plastic Giants sa pagkatalo sa kamay ng Racal Motors Alibaba, 66-77 sa kanilang huling laban sa pamamagitan ng 82-59 panalo sa AMA University Titans sa ikalawang laro.
Isang 16-4 panimula ang ginamit ng Giants para simulan ang paglayo at wakasan ang dalawang sunod na panalo ng Titans.
Si Dexter Maiquez ay may 17 puntos at 10 rebounds at si Jaymo Eguilos ay naghatid ng 16 at ang dalawa ay nagtulong sa 8-0 bomba matapos dumikit ang Titans sa 10, 51-61, para ibigay sa Giants ang 5-1 karta.
Ang pagkatalo ay ikaapat sa pitong laro ng Titans at bumaba sa ikapitong puwesto kasunod ng 3-3 karta ng Cebuana Lhuillier Gems.