MANILA, Philippines – Pararangalan ngayong gabi ang mga top performers sa college basketball sa pagdaraos ng UAAP-NCAA Press Corps at ng SMART ng 2014 Collegiate Basketball Awards sa Saisaki-Kamayan EDSA.
Nakatakda ang awards night sa ganap na alas-7 ng gabi kung saan si University of Santo Tomas courtside reporter Kristelle Batchelor ang host sa annual affair na inorganisa ng mga college basketball sportswriters bilang pagkilala sa mga pinakamahuhusay na players at coaches sa nakaraang UAAP at NCAA season.
Pipili rin ang UAAP-NCAA Press Corps sa hanay ng mga awardees ng SMART Player of the Year, ang pagkilala na ibinibigay sa isang player na nagpakita ng magandang pag-uugali sa loob at labas ng court sa re-cognition dinner na suportado ng Smart Sports, Accel 3XVI at Kohl Industries (Doctor J alcohol, Bactigel hand sanitizer at Mighty Mom dishwashing liquid).
Ang listahan ng mga awardees ay pangungunahan nina Eric Altamirano ng National University at Boyet Fernandez ng San Beda na bibigyan ng Coach of the Year award para sa paghahatid sa titulo sa kani-kanilang koponan.
Magiging bahagi naman sina Kiefer Ravena ng Ateneo at Earl Scottie Thompson ng University of Perpetual Help na mga Most Valuable Player winners ng UAAP at NCAA ng Collegiate Mythical Team.
Makakasama nina Ravena at Thompson sa Mythical Team mula sa UAAP at NCAA sina Ola Adeogun ng San Beda, Mac Belo ng Far Eastern University at Jeron Teng ng De La Salle.
Sina Anthony Semerad ng San Beda at Alfred Aroga ng NU ang napiling Pivotal Players sa kanilang inilaro sa finals, habang tatanggapin nina Glenn Khobuntin ng NU, Kyle Pascual ng San Beda at Almond Vosotros ng De La Salle ang Super Senior award.
Ibibigay kay Troy Rosario ng NU ang Doctor J Breakthrough Player award, habang sina Jiovani Jalalon ng Arellano at Gelo Alolino ng NU ang tatanggap ng Impact Players at kikilalanin si Baser Amer ng San Beda bilang ACCEL Court General.