MANILA, Philippines - Babangon ang FEU at UST mula sa pagkakadapa sa huling laro laban sa mga nangu-ngulelat na koponan sa pagpapatuloy ngayon ng 77th UAAP women’s volleyball sa The Arena sa San Juan City.
Parehong lumasap ng kanilang unang pagkatalo ang Lady Tamaraws at Lady Tigresses kaya’t asahan ang todo-todong paglalaro mula sa nasabing dalawang koponan para manatili ang kapit sa ikalawang puwesto.
Katunggali ng FEU ang UE sa ganap na ika-2 ng hapon bago sundan ng sagupaan ng UST at UP dakong alas-2.
Sina Bernadette Pons, Remy Palma at Geneveve Casugod ang mga magdadala ng laro para sa FEU matapos malimitahan sa single-digit output nang pataubin ng nagdedepensang kampeong Ateneo Lady Eagles, 15-25, 16-25, 17-25.
Nais ng UST na maisantabi ang 23-25, 25-27, 17-25 straight sets kabiguan sa La Salle Lady Archers at aasa sa mga datihang sina Pamela Lastimosa, Jessey de Leon, Carmela Tunay at baguhang si EJ Laure.
Parehong may 0-2 baraha ang Lady Warriors at Lady Maroons pero hindi puwedeng magpabaya ang mga katunggali dahil determinado ang mga ito na wakasan ang losing streak.
Ang Lady Maroons ay papasok sa labanan galing sa limang sets na pagkatalo sa National University Lady Bulldogs, 25-21, 18-25, 25-23, 12-25, 9-15 na senyales na may ibubuga pa sa mga susunod na asignatura.
Balak naman ng UST Tigers na mapantayan sa liderato ang nagdedepensang kampeon sa kala-lakihan na National University Bulldogs sa 3-0, kung mananalo sa UP Maroons na magsisimula matapos ang bakbakan ng UE Warriors at La Salle Archers sa ganap na ika-8 ng umaga. (AT)