MANILA, Philippines – Hangad ng San Beda na tapusin na ngayon ang kanilang laban kontra sa La Salle para sa titulo ng 2014 Philippine Collegiate Champions League sa pagpapatuloy ng kanilang championship showdown sa Ynares Gym sa Pasig City.
Sa pangunguna ni Nigerian behemoth Ola Adoegun at sa suporta nina Baser Amer at Roldan Sara, iginupo ng Red Lions ang Archers, 88-81, noong Huwebes sa pagbubukas ng kanilang best-of-three serye na naglapit sa kanila sa kanilang unang titulo sa taunang liga.
Hindi pinaporma ni Adeogun si Cameroonian rookie Ben Mbala at tumapos ng 20-points bagama’t halos hindi na siya sumalang sa second half dahil sa foul trouble.
Sa pagkawala ni Adeogun, nanguna sina Amer at Sara sa kanilang mahusay na outside shooting para pigilan ang mga paghahabol ng Archers para iselyo ng Lions ang Game One tungo sa 1-0 lead.
“We just played tough in the first game. If we can sustain that kind of pace and even play better, we’ll have a strong chance of taking this,” sabi ni San Beda acting coach Adonis Tierra.