Hagdang Bato pinakitaan ang Crusis
MANILA, Philippines – Pinatunayan ng Hagdang Bato ang pagiging mas mahusay kumpara sa imported horse na Crucis sa one-sided na panalo sa 2014 Philracom Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup kahapon sa San La-zaro Leisure Cup sa Carmona, Cavite.
Sa pagbubukas ng aparato ay bumungad agad ang Crucis pero sandali lamang ang pangunguna nito dahil agad na kinuha ng Hagdang Bato sa pagdadala ni Jonathan Hernandez ang liderato bago dumaan sa unang pagkakataon sa judges stand.
Kinargahan pa ni Hernandez ang ayre ng back-to-back Horse of the Year awardee at tunay na napahirapan ang Crucis na sakay ni Kevin Abobo.
Umagwat na nang umagwat ang Hagdang Bato habang nawala na sa eksena ang Australian horse na pag-aari ng dating Philracom commissioner na si Marlon Cunanan.
Kahanga-hangang 2:04.6 sa kuwartos na 25, 23, 25’, 25’, 25’ ang naging tiyempo ng Hagdang Bato sa 2,000-metro karera at naagwatan ng mahigit 10 dipa ang pumangalawa pang Strong Champion sa pagdiskarte ni Pat Dilema.
Ang may-ari at breeder ng kabayo na si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos ang personal na tumanggap ng tropeo at sa premyong P1.2 milyon mula kay Congressman Henry Cojuangco na siyang kumatawan sa kapatid at dating Ambassador.
Nasa awarding ceremony din ang Philracom chairman na si Angel Castaño Jr. na siyang nagtaguyod sa karera.
May dagdag na P60,000.00 si Abalos bilang winning trainer.
Ang Crucis ang pumangatlo sa datingan bago tumawid ang My Champ sa pagdiskarte ni Dan Camañero.
Halagang P450,000.00 ang nakuha ng connections Strong Champion habang P250,000.00 at P100,000.00 ang gantimpala ng Crucis at My Champ.
Ang coupled entries na King Samer at Lady Pegasus ang kumumpleto sa datingan ng anim na kabayo pero lima ang opisyal na bilang.
Outstanding favorite ang Hagdang Bato na naghatid ng P5.00 sa win at P14.00 sa 6-1 forecast. (AT)
- Latest