MANILA, Philippines – Ikatlong sunod na panalo ang nais ng Jumbo Plastic Giants para palakasin ang hawak sa ikatlong puwesto sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Tinalo ng Giants ang Wangs Basketball at MP Hotel Warriors sa kanilang huling dalawang laro papasok sa laban kontra sa Racal Motors Alibaba sa unang laro sa ganap na ika-12 ng tanghali.
Ang Racal Motors ay isa sa apat na koponan na nasa huling puwesto sa 1-4 baraha pero hindi nagkukumpiyansa ang Giants coach na si Stevenson Tiu sa kanilang tsansa sa bakbakan.
“They have an experienced coach ni Caloy Garcia and they have veteran players. We have to give our best,” wika ni Tiu.
Nakalaro na ng bahagya si Jan Colina pero hindi pa ito 100 percent sa kanyang kondisyon. Ngunit hindi mararamdaman ito ng Jumbo Plastic kung magpapatuloy ang magandang ipinakikita ng bench.
Sa naitalang 94-57 pagdurog sa Warriors, ang mga off-the-bench players na sina Marion Magat at Mark Cruz ay gumawa ng 18 at 11 puntos para sa dominanteng panalo.
Ikatlong panalo matapos ang anim na laro ang nakataya naman sa AMA University Titans sa pagsukat sa Bread Story-LPU Pirates sa ikalawang laro dakong alas-2 habang ang Cebuana Lhuillier Gems ay makikipagpalitan ng buslo sa MJM Builders sa huling laro dakong alas-4.
Galing ang Titans sa 83-76 panalo sa Alibaba at muling sasandal sa shooter na si Philip Pa-niamogan at sentrong JR Taganas para manatiling nasa ikaanim na puwesto.
Ang Gems na mayroon ding 2-3 karta tulad ng AMA ay magbabalak na bumangon mula sa 66-72 pagkatalo sa Hapee Fresh Fighters sa huling laro. (AT)