MANILA, Philippines – Kukumpletuhin ng Generika Life Savers ang magandang ipinakikita sapul nang pumasok ang second round sa pag-asinta ng titulo sa 2014 Phi-lippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics kontra Petron Lady Blaze Spikers ngayon sa Cuneta Astrodome.
Anim na sunod na panalo ang naitala ng Generika, ang huli ay 25-23, 25-16, 25-23 win sa RC Cola-Air Force Raiders, sa semifinals para mara-ting ang one-game finals sa ligang inorganisa ng Sports Core at may suporta pa ng Air21, My Phone, Via Mare, Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Generika Drugstore, LGR at Jinling Sports bilang technical partners.
Magsisimula ito dakong alas-6 matapos ang pagkikita ng Mane ‘N Tail Lady Stallions at Foton Tornadoes sa ika-2:00 ng hapon para sa ikalimang puwesto kasunod ang Cignal HD Lady Spikers laban sa Raiders dakong alas-4 para sa ikatlong puwesto.
“Halos balanse ang lakas ng dalawang teams kaya malaking papel ang hunger factor na taglay namin,” wika ni Life Savers coach Ramil de Jesus.
Kung papalarin, ito ang ikalawang sunod na titulo ng Generika matapos pagharian ang nakaraang conference gamit ang Army Lady Troopers.
Pero hindi papayag ang Petron na siyang nanguna sa double-round elimination sa 8-2 baraha.
Tiniyak din ni Petron coach George Pascua na handa ang kanyang mga alipores sa hamong ipakikita ng Generika na nakahirit ng 1-1 karta sa kanilang head-to-head.
“Malakas sila kung tao-tao ang pag-uusapan. Pero napag-aralan na namin ang kilos nila at mas handa kami ngayon,” wika ni Pascua na pinabagsak sa straight sets ang Cignal HD Lady Spikers sa Final Four noong Biyernes.
Nauna nang kinilala ang Cignal HD Spikers bilang kampeon sa kala-lakihan nang silatin ang paboritong PLDT-Telpad-Air Force, 25-23, 26-24, 25-19 sa men’s finals noong Biyernes. (AT)