MANILA, Philippines - Magarang aksyon sa hanay ng mga mahuhusay na kabayo ang matutunghayan sa Linggo sa pagsambulat ng 2014 MARHO Breeders Cup sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Anim na malalaking karera na sinahugan ng tig-P1 milyong premyo ang magiging sentro ng festival para matiyak na magiging matagumpay uli ang isa sa pinakahihintay na karera taun-taon.
Ang mga major stakes race ay ang Juvenile Colts at Fillies sa 1,500-metro karera, 3-Year Old Colt at Filly Mile na inilagay sa 1,600-metro distansya, Sprint Race sa 1,000-metro distansya at ang Classic na gagawin sa 2,000-metro distansya.
Magsusukatan sa Classic ang mga kabayong Royal Jewels, El Libertador, Borjkahlifa, Boss Jaden, Immaculate, Cat’s Diamond at Hot And Spicy.
Ang mga maglalaban-laban sa Juvenile Colts ay ang Dixie Storm at coupled entry Sky Hook, Super Spicy, Cat Express at Jebel Ali at Karangalan habang ang Epic, Take It For Leave It, Surplus Queen, Driven, Leona Lolita, Clandestine at Hook Shot ang sa Juvenile Fillies.
Sukatan ng Manalig Ka at coupled entry na Mr. Bond, Mabsoy, King Bull at Kanlaon, Mud Slide Slim, Young Turk, High Grader at Wild Talk ang sa Colt Mile habang ang Yes I Can, Marinx, Tip Toes, Palos at Roman harm ang sa Filly Mile.
Pabilisan naman ang mangyayari sa mga kabayong Karapatan, Nemesis at stablemate Lord of War, Market Value, Carriedo at Eurasian sa Sprint Race.
Pasisiglahin din ang selebrasyon sa paglarga ng 2014 Philiracom Amb.Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup na katatampukan ng pagtutuos ng back-to-back Horse of the Year awardee na Hagdang Bato at pinakamahusay na imported horse na Crucis.
Si Jonathan Hernandez ang sasakay pa rin sa Hagdang Bato habang si Kevin Abobo ang didiskarte sa Crucis.
Ang Strong Champion, Lady Pegasus at coupled entry King Samer at My Champ ang iba pang sasali sa karerang paglalabanan sa 2,000-metro na sinahugan ng P2 milyong premyo. (AT)