MANILA, Philippines - Ikatlong sunod na panalo ang balak dagitin ng Ateneo Lady Eagles sa pagbangga sa FEU Lady Tamaraws sa 77th UAAP women’s volleyball ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Galing ang nagdedepensang kampeon Lady Eagles mula sa straight sets panalo kontra sa National University Lady Bulldogs at Adamson Lady Falcons at kung magwawagi pa sa larong itinakda sa ganap na ika-2 ng hapon ay maiiwanan ang katabla sa unang puwesto na La Salle Lady Archers.
Wakasan ang dala-wang sunod na talo ang hangarin ng Lady Bulldogs laban sa UP Lady Maroons sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon.
Sa men’s division, ikatlong sunod na panalo ang nais ng nagdedepensang kampeong National University Bulldogs laban sa La Salle Archers na magsisimula matapos ang labanan ng UST Tigers at Ateneo Eagles sa ganap na ika-8 ng umaga.
Matapos ang dalawang laro ay may 43 total points, tampok ang 33 kills, si Alyssa Valdez para pamunuan ng koponan.
Naririyan din ang suporta nina Michelle Mo-rente, Amy Ahomiro, Julia Morado, Ella De Jesus at Isabelle Beatriz De Leon para magkaroon ng makinang na panimula ang Lady Eagles.
Tiyak na masusukat sila ng Lady Tamaraws na huhugot ng lakas sa mga beteranang sina Bernadeth Pons, Remy Joy Palma at Geneveve Casugud.
Sina Pons, Palma at Casugud ay gumawa ng 15, 10 at 8 puntos at nagsanib sa 24 kills sa nakuhang unang panalo ng koponan sa UP. (AT)